Legal at siyentipikong pagsisiyasat sa kaso ni Jenny Alvarado, isasagawa ng DMW

Legal at siyentipikong pagsisiyasat sa kaso ni Jenny Alvarado, isasagawa ng DMW

IPINALIWANAG ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na susuriin nila ang posibleng legal na pananagutan ng employer ni Jenny Alvarado, lalo na kung may kapabayaan sa kanilang bahagi matapos ipadala ang biktima sa kanilang rest house kung saan siya namatay.

“Kasi doon sa bahay-bakasyunan, ang tanong doon ay siya ba’y nakapagbigay ng sapat na, sabihin nating gabay o tulong doon sa mga kasambahay niya with respect to their safety and security in that bahay-bakasyunan. So, iyon ang isa ko ring pinasusuri sa abogado natin toward the possibility of filing a legal action against the employer,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, Department of Migrant Workers.

Tungkol naman sa pagpapalit ng katawan ni Alvarado, inutusan na ni Secretary Cacdac ang kanilang mga abogado sa Kuwait na imbestigahan ang service provider na nagkamali. Ito ay para linawin kung ano ang nangyari at upang makakuha ng posibleng kabayaran.

“Pinatitingnan ko na rin sa ating abogado sa Kuwait kung ano ang kasong maisasampa natin, potential liability noong service provider para magkaroon naman tayo ng—pagkakaroon ng kalinawan at possible compensation doon sa nangyari na issue ng maling pagpapauwi noong cadaver,” dagdag ni Cacdac.

Naisagawa na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang autopsy sa labi ni Alvarado noong Biyernes para matukoy ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay. Binigyang-diin ni Cacdac ang kahalagahan ng autopsy para sa isang ulat na may kredibilidad sa nangyari.

Nitong Sabado, binisita ng opisyal ang burol ni Alvarado sa Rodriguez, Rizal para i-update ang pamilya sa aksiyon at imbestigasyon ng gobyerno. Bukod sa pinansiyal na tulong, tiniyak ng kagawaran ang patuloy na suporta sa limang anak ni Alvarado, lalo na sa kanilang edukasyon, sa pakikipagtulungan ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Samantala, magsasagawa ng pagdinig ang Senado sa isyu sa darating na Martes na dadaluhan ng kalihim, at iba pang mga opisyal ng DMW at OWWA. Inaasahang dadalo rin sa pagdinig ang mga opisyal ng NBI.

“Magkakaroon ng hearing sa Senado sa Martes, sa pagkakaalam ko maiimbita rin ang NBI doon so hopefully the NBI can also shed light on the matter to provide a fuller report on their autopsy. Although ang alam ko iyong findings nila, kasi scientific ano—kumuha sila ng mga tissue samples, might take a little bit more time,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble