Legal counsel ni Ex-Cong. Teves, nilinaw na hindi int’l warrant ang red notice ng INTERPOL

Legal counsel ni Ex-Cong. Teves, nilinaw na hindi int’l warrant ang red notice ng INTERPOL

AYON kay Atty. Ferdinand Topacio, ang red notice ay isang uri ng abiso na naglalaman ng impormasyon hinggil sa isang indibidwal na maaaring may kaugnayan sa isang krimen, ngunit hindi ito nangangahulugang mayroong international arrest warrant ang dating kongresista.

Ipinunto rin ng legal counsel ni Teves na ang red notice ay isang hakbang lamang upang magbigay-alarma sa mga bansa ukol sa pagkilos o pag-aresto ng isang indibidwal, subalit ito ay hindi agarang batayan para sa kaniyang pagdakip.

“Well, ang nagsasabi pong international warrant ito ay wala pong alam sa international law sapagkat hindi niyo po pwedeng pilitin ang isang sovereign country na sila po ay gawin ang isang bagay na hindi ayon sa kanilang legal system katulad po nitong red notice” ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel, Ex-Cong Arnolfo Teves Jr.

Aniya, may mga legal exemptions na maaaring magamit sa harap ng kontrobersiyal na red notice mula sa International Criminal Police Organization (INTERPOL).

“Mayroong mga legal exemptions katulad po ng political asylum o processing ng political asylum kung saan ang isang tao ay binibigyan ng refugee status doon sa bansang iyon. Hindi po maaaring arestuhin iyon kung ayaw noong bansang iyon kung saan naroroon ‘yung tao,” paliwanag nito.

Matatandaan na kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) si Teves dahil sa kaniyang umano’y pagiging ‘mastermind’ sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam iba pa sa Negros Oriental noong nakaraang taon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble