NAGSIMULA na ang pagdinig ng Pasig RTC hinggil sa Petition for Bail na inihain ng kampo ni Pastor Apollo C. Quiboloy para sa pansamantala niyang kalayaan habang dinidinig ang kaniyang kaso.
Unang sumalang sa direct examination ang witness ng prosekusyon na si alyas Amanda.
Dumalo si Pastor Quiboloy at iba pang akusado sa ginanap na bail hearing.
Pagkatapos ng pagdinig, humarap sa media ang kampo ni alyas Amanda kung saan hayagang inakusahan ng mga abogado nito ang Butihing Pastor.
“Gusto namin talaga ma-deny yong bail, kasi alam naman namin na gustong lumabas ni Pastor kasi mangangampanya siya. Then, since our claim that he is a human trafficker, abusers, gusto namin hindi siya manalo, and a rapist,” pahayag ni Ian Enterina, Private Prosecutor ni alyas Amanda.
Ang legal counsel ni Pastor Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, sinabing below the belt ang naging pahayag ng mga abogado ni alyas Amanda.
Aniya, dapat na magdahan-dahan ang mga nag-aakusa lalo pa’t sa batas ay mayroong prinsipyo para sa presumption of innocence.
Sinabi rin nitong ang paghahain nila ng Petition for Bail ay hindi para lamang maka-pangampanya ang Butihing Pastor.
Ayon kay Torreon, matagal nang gusto ng kaniyang kliyente na makapagpiyansa.
Pinabulaanan din ni Torreon na nagsinungaling ito sa media interview nang sabihin niyang inuubo ang Pastor matapos itong matanong tungkol sa health condition ng kaniyang kliyente.
Nagbigay naman ng pahayag ang legal counsel ni Pastor Quiboloy hinggil sa hindi pagpayag ng korte na makadalo ito sa interview ng ibang network.