SINAMPAHAN ng criminal complaints ng Security Exchange Commission (SEC) ang ilang lending companies na idinadaan sa pamamahiya at pananakot ang paniningil ng utang.
Iginiit ng SEC na bawal ang harassment sa paniningil ng utang.
Ito ay matapos umanong may mga dumulog sa SEC na nagrereklamo na sila ay pinapahiya, tinatakot at binabastos ng kanilang mga inutangan na lending companies.
Ayon kay Sec. Director Atty. Oliver Leonardo, paglabag aniya ito sa Republic Act No. 9474 o ang Lending Company Regulations Act at ang Republic Act No. 11763 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act.
Kanina, Martes ng umaga, pumunta ang SEC sa Department of Justice (DOJ) para sampahan ang mga kompanya na gumagawa ng mga paglabag.
Idinadaan umano ng mga kompanya sa pananakot ang mga mangungutang na kung saan kung hindi umano sila makakabayad ay mapapahiya ang mga ito sa social media at sa mga kakilala nila.
Tatlong lending companies, dalawang BPO companies at isang financing company ang sinampahan ng reklamo ng SEC sa DOJ.
Mayroon din umanong 28 indibidwal silang sinampahan ng reklamo.
Hindi rin lusot sa reklamo ang 5 Chinese national na may-ari ng mga naturang kompanya.
Ang mga respondents na ito ay maari umanong pagmultahin ng hanggang P2-M at makulong sa loob ng limang taon.
Sa ngayon mayroon nang moratorium o pinatigil muna ng SEC ang pagpaparehistro sa mga lending companies.