LGU at Telco walang excuse para pumalpak sa pagtatayo ng cell sites

LGU at Telco walang excuse para pumalpak sa pagtatayo ng cell sites

INAASAHAN ni Sen. Grace Poe na aarangkada na ang pagtatayo ng telecommunications companies ng cell sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa gitna ng suporta ng buong gobyerno at pinabilis na proseso sa pagkuha nila ng mga permit.

Nauna nang inihayag ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na kapag ang aplikasyon ay may kalakip na tama at kompletong dokumento, at nakabayad ng kaukulang bayarin sa pagpatatayo ng mga cell tower, awtomatikong aprubado ito kung nakabinbin sa loob ng isang linggo alinsunod sa itinakda ng Ease of Doing Business law.

Kaya paalala na rin ng senadora sa kinauukulan na mahigpit na sundin ang processing time para aprubahan ang aplikasyon sa mga lisensiya at permit sa ilalim ng Ease of Doing Business Act.

Dagdag pa ni Poe, alinsunod sa naturang panukala, pangunahing responsable sa pagpatutupad at implementasyon nito ang bawat hepe ng ahensiya na mananagot sa publiko kapag nabigong makapaghatid ng mabilis, episyente, madali at maasahang serbisyo.

Kapag nabigong tuparin ang batas, maaari aniya silang sampahan ng kasong kriminal at administratibo.

Inaatasan ng batas ang Department of Interior and Local Government (DILG)sa sariling inisyatiba nito o kapag may reklamo, na isagawa kaagad ang imbestigasyon sa kaso ng mga LGU at kung may sapat na ebidensiya ay magsampa ng kaso sa Ombudsman.

Sa huli ay iginiit ni Poe na kailangang madaliin ang pagtatayo ng cell sites para matugunan ang network traffic habang nadaragdagan ang pampubliko at pribadong transaksiyon at operasyon online sa gitna ng pandemya.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.