NGAYONG Biyernes Santo, nananatiling mapayapa at tahimik ang Isla ng Boracay habang ginugunita ng mga residente at turista ang Mahal na Araw.
Sa ilalim ng kautusan ng LGU Malay, mahigpit na ipinagbabawal ngayong araw ang mga party, malalakas na tugtugin, at anumang uri ng maingay na pagtitipon bilang pagbibigay-galang sa Banal na Araw ng pagninilay at pananampalataya.
Patuloy ang monitoring sa mga establisyemento at beach areas upang tiyaking sumusunod ang lahat sa ordinansa. Naka-deploy din ang mga tauhan mula sa LGU, kapulisan, at barangay upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa isla.
Sa kabila ng pagiging kilalang destinasyon ng turismo, pinipili pa rin ng marami sa Boracay ang magmuni-muni, manalangin, at gunitain ang sakripisyo ni Hesus, sa isang lugar kung saan nagtatagpo ang ganda ng kalikasan at lalim ng pananampalataya.