NAGBABALA ang Malakanyang sa mga opisyal ng Local Government Unit (LGU) na maaaring maharap ang mga ito sa kasong dereliction of duty kapag mabigong maipatupad ang health protocols sa kani-kanilang nasasakupan.
Partikular na tinukoy dito ng Palasyo ang mga hindi kanais-nais na nangyari sa ilang vaccination sites.
Itoy gaya na lamang sa Maynila at Las Piñas kung saan dinagsa ito ng mga tao at hindi na nasunod ang social distancing.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mailang ulit nang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na obligasyon ng local chief executives na hindi maging super spreader event ang ginagawang vaccination rollout sa kanilang lokalidad.
Overcrowding sa ilang vaccination center, hindi makatao
Dagdag pa ni Roque, hindi makatao ang overcrowding sa mga vaccination center at maituturing nga itong dereliction of duty ng mga local official.
“Sinabi rin po niya (Pangulong Duterte) na dapat maging makatao at iyong overcrowding nga po hindi makatao iyan,” pahayag ni Roque.
“Ang hindi po pagpapatupad niyan ay isang klase ng dereliction of duty ng ating mga lokal na opisyales,” dagdag ng kalihim.
Isinaysay pa ng kalihim na sapat ang resources ng bansa upang maayos na maipairal ang quarantine protocols.
Samantala, upang maiwasan ang pagdagsa at pagsiksikan ng mga tao, hinimok ng tagapagsalita ng Palasyo ang mga lokal na opisyal na mag-implementa ng vaccine registration sa halip na payagan ang walk-ins.
Sa kabilang banda, sinabi ni National Task Force Against COVID 19 Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon na pinulong na ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang mga LGU sa National Capital Region, kasama na rin ang LGUs sa Rizal, Cavite, Laguna, Bulacan, Pampanga at Batangas.
Muling pinaalalahanan ang mga ito sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols sa kanilang nasasakupan matapos nga ang nangyaring pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites sa ilang lugar.
Tiniyak naman ng national government na tutulungan at aalayan nito ang mga LGU sa mga gagawing hakbang sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.