HINDI ipinagbabawal ng Commission on Election (COMELEC) sa Agriculture Department ang pagbebenta ng National Food Authority (NFA) sa ilalim ng Food Terminal Incorporated (FTI) ng bigas sa mga lokal na pamahalaan.
Ang mga bigas na ito ay ilang buwan nang nakaimbak sa iba’t ibang bodega ng NFA sa bansa at nanganganib nang mabulok.
Ayon sa DA, pinahintulutan sila ng COMELEC na ipagbili ang mga bigas na ito dahil hindi sakop ng election spending ban ang emergency sale at release ng buffer stocks ng NFA rice sa mga LGU.
Ngunit, may mahigpit na paalala ang COMELEC kaugnay nito.
“Pero, sabi ng Comelec na dapat hindi ibenta ng LGU ‘yung NFA na mas mababa doon sa ibinenta ng NFA sa kanila. Ibig sabihin ay hindi dapat bababa sa P33 ‘yung sales sa mga mamamayan natin at hindi rin puwedeng ipamigay ng libre,” ayon kay Asec. Arnel De Mesa.
Ito ang mga kondisyong ibinigay ng COMELEC para mapanatili ang transparency at maiwasan ang posibleng pang-aabuso sa programa ng NFA.
Nilinaw rin ng COMELEC sa inilabas nitong pahayag na hindi na kailangang humingi ng exemption ang DA para dito, dahil ang pagbebenta ng NFA rice ay isang hakbang upang tugunan ang kakulangan sa suplay at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Pero pagdating sa mga LGU, mahigpit na ipinagbabawal ng COMELEC ang paggamit ng naturang programa para sa anumang political activity na maaaring makaapekto sa boto ng publiko.
Ayon sa datos ng NFA, nasa 3,900 bags pa lamang mula sa 300,000 bags ng bigas ang nailabas mula sa kanilang bodega.
Sa ngayon, tatlong LGUs pa lamang ang nakabili ang San Juan, Navotas, at Camarines Sur.