LGUs, iba pang awardees ng NNC Region 3, kinilala sa 2023 Gawad Parangal sa Nutrisyon

LGUs, iba pang awardees ng NNC Region 3, kinilala sa 2023 Gawad Parangal sa Nutrisyon

TAGUMPAY ang idinaos na 2023 Gawad Parangal sa Nutrisyon ng National Nutrition Council (NCC) Region 3 kung saan kinilala ang iba’t ibang local government unit (LGUs), Barangay Nutrition Scholars, at iba pang stakeholders sa Central Luzon na ayon kay NNC 3 Coordinator Ana Maria Rosaldo ay nagsumikap upang iangat ang antas ng nutrisyon sa rehiyon.

“Ang taunang Regional Nutrition Awarding Ceremony or Gawad Parangal sa Nutrisyon ay maituturing po natin na rurok o climax ng isinasagawa nating ‘monitoring and evaluation of local level implementation’ or in short MELLPI at kasabay din po ng search for outstanding local focal point. So, ito rin ang pagkakataon upang kilalanin ang local o mga local na pamahalaan at mga local nutrition focal points or nutrition workers na kumikilos upang mapanatili ang kanilang exceptional performance sa larangan ng nutrition program management upang mapababa ang bilang ng mga malnourished at matiyak ang pagkakaroon ng kasapatan ‘yung ating food security, o kasapatan ng pagkain sa kanilang nasasakupan,” ayon kay Ana Maria Rosaldo, NNC 3 Coordinator.

Samantala, hinimok ni Department of Health (DOH) 3-Central Luzon Center for Health and Development Regional Director Corazon Flores ang lahat ng mga stakeholder na suportahan ang mga programa sa nutrisyon.

Mahalaga aniya ang nutrisyon upang masigurong lumaking produktibo at successful ang mga bata.

“A well-nourished child will help him grow, have a better future, male-lessen ‘yung kaniyang risk na magkasakit, mas maging matalino, mas magiging makakatulong sa development ng ating bansa. Because each one of us who are here had help a child be happy in our community.”

“Hopefully, marami pang katulad natin, mas mapalawak pa natin, mas marami pang mga mayors ang maging awardee ng ating nutrition program. Mas marami pa rin sa ating private sector ang tutulong, mas marami pang masisipag na mga konsehal, mga midwife, mga partners po natin,” ayon kay Dr. Corazon Flores, DOH-3 Regional Director.

Samantala, isa ang Guiguinto, Bulacan sa tumanggap ng Consistent Regional Outstanding Winner in Nutrition o CROWN award na ibig sabihin ay naabot ng LGU ang minimum required score para sa episyente at epektibong pamamahala sa kanilang nutrition program tungo sa maayos na nutrisyon ng mga mamamayan.

Ayon kay Guiguinto Mayor Agatha Cruz, pangarap nila na maging pinakamasayang lugar para sa mga bata ang Guiguinto.

“Kapag ako po ay nasa barangay, ang lagi ko pong sinasabi, ang akin pong vision, ang atin pong pangarap para sa bayan ng Guiguinto ay maging pinakamasayang lugar para lumaki ang isang bata. Kaya very, very close po to my heart ang naging message ng ating regional director kasi ‘yun talaga ang gusto ko, to provide a happy environment for a child to grow up with at nagsisimula po ‘yun sa pag-provide ng tamang nutrisyon mula pa po sa pagkabata. We want to provide an equal opportunity for each child to determine, to be able to reach for their dreams, ma-realize po nila. ‘Yun po ‘yung meaning ng happiest place for a child to grow up with, nandoon po ‘yung security,” ayon kay Mayor Agatha Cruz, Guiguinto, Bulacan.

Samantala, isa ang Baliwag, Bulacan sa tumanggap ng Green Banner Seal of Compliance (GBSC) o Green Banner Award dahil sa maayos nitong programa at polisiya na nagresulta sa magandang estado ng nutrisyon sa komunidad.

Ayon kay Baliwag Mayor Ferdinand Estrella, kalusugan ng kaniyang mga nasasakupang isa sa kaniyang tinutukan nang siya ay mahirang na punong lungsod ng Baliwag.

“Sabi ko nga po pang-apat na award na po ito na aming natanggap sa larangan po ng nutrisyon. At sabi ko nga nung ako ay nanungkulan bilang Punong Bayan, sabi ko na nakakahiya naman na meron tayong malusog na punong bayan pero ang mga mamamayan ay mga malnourished kaya pinilit po talaga naming na makuha ang award na ito dahil ito po ‘yung magpapatunay na kami po sa lungsod ng Baliwag ay binibigyan po namin ng pagpapahalaga ang kalusugan at proteksyon ang ating mga kababayan,” ayon kay Mayor Ferdinand Estrella, Baliuag, Bulacan.

Naniniwala si Rosaldo at Flores na sa pamamagitan ng 2023 Gawad Parangal sa Nutrisyon ng NNC 3 ay patuloy ang mga LGU na makikiisa upang sugpuin ang malnutrisyon sa rehiyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble