Libreng medical at dental services para sa mga batang mahihirap at batang lansangan, iminungkahi ni Sen. Jinggoy

Libreng medical at dental services para sa mga batang mahihirap at batang lansangan, iminungkahi ni Sen. Jinggoy

IMINUNGKAHI ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng kanyang panukala na nag-aatas sa lahat ng health institutions sa bansa na magbigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap at mga batang lansangan na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon pati na ng dental treatment.

Ani Estrada, sa kabila ng pagsasabatas ng Anti-Hospital Deposit law, mayroon pa ring mga ospital na patuloy na naniningil ng paunang bayad bilang kondisyon bago magsagawa ng kaukulang basic emergency care.

 

Dapat nang matigil ang mga ganitong gawain sa pamamagitan ng pagkakaroon ng batas na mag-aatas sa mga pribado at pampublikong ospital at klinika na magbigay ng libreng serbisyong medical at dental sa mga mahihirap na bata at parusahan ang mga lalabag dito,” aniya.

 

“Sa pamamagitan lamang ng isang kongkretong batas maaari nating makamit ang mga prinsipyo at patakarang hinahangad na maipatupad ng iba’t ibang batas na nagsusulong para pangalagaan ang mga karapatan ng bata,” dagdag ni Estrada.

 

Sa paghahain ng kanyang Senate Bill No. 1107 o ang panukalang Indigent Children Free Medical and Dental Service Act, binanggit ng senador ang Article XV, Section 3 (2) ng Konstitusyon at ang PD 603 o ang Child and Youth Welfare Code on the Rights of the Child na parehas na nagtitiyak ng mga karapatan ng lahat ng bata sa bansa nang walang pagtatangi at diskriminasyon.

Saklaw sa panukalang batas ni Estrada ang mga batang edad 18 pababa na walang pantustos, maging ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga, sa kanilang agarang medikal na pangangailangan at dental treatment.

Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng ospital, medical at dental centers, clinics at iba pang institusyong pangkalusugan na nagbibigay ng frontline medical services sa buong bansa ay maaatasan na magbigay ng libreng medical treatment at dental healthcare sa mga mahihirap na bata.

Tutukuyin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung talagang mahirap ang bata habang ang Department of Health (DOH) ay makikipag-ugnayan sa pagpapatupad ng libreng serbisyong medical at dental services para sa mga mahihirap na bata.

 

 

Follow SMNI News on Twitter