Libreng sakay at seguridad ng mga mananakay, tiniyak ng PNP vs transport strike hanggang katapusan ng Disyembre

Libreng sakay at seguridad ng mga mananakay, tiniyak ng PNP vs transport strike hanggang katapusan ng Disyembre

BAGAMA’T hindi naman nagdulot ng malaking epekto sa transportasyon ang sunud-sunod na tigil-pasada sa Metro Manila, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kahandaan para punan ang mga maaapektuhang mananakay sakaling magkaroon ng kakulangan ng mga masasakyan ang publiko.

Sa panayam ng media kay PNP PIO chief police Colonel Jean Fajardo, tuloy ang kanilang libreng sakay at pagbibigay ng seguridad sa publiko kasama na rin ng pakikipag-ugnayan nito sa mga lokal na pamahalaan kung saan isinasagawa ang mga tigil-pasada.

Batay sa ulat, mawawalan ng prangkisa ang mga jeepney operator na hindi tatalima sa December 31 consolidation deadline sa ilalim ng PUV Modernization Program.

Ayon sa datos ng ahensiya, nasa 70,000 public utility vehicles (PUVs) sa bansa na hindi sumapi sa kooperatiba o korporasyon matapos ang deadline, ay ituturing nang ilegal sa Enero 1, 2024.

Magiging kolorum na ang mga PUV na nakapaloob din sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Circular.

Nasa 153,787 jeepneys, UV Express vans, minibuses, at public utility buses ang nag-consolidate na hanggang nitong Nobyembre.

Katumbas ito ng consolidation rate na 70 percent ng 222,617 PUV units.

Sa kabilang banda, nakikiusap ang PNP sa mga responsable sa mga tigil-pasada na iwasan ang manakit o insidente ng harassment sa ibang mga tsuper na ayaw makiisa sa kanilang protesta.

Christmas activities ng mga Pinoy, nananatiling payapa ayon sa PNP

Samantala, nananatiling mapayapa sa ngayon ang pagsasagawa ng iba’t ibang Christmas activities ng mga Pilipino sa gitna ng papalapit na pagdiriwang ng Pasko.

Ayon sa PNP, mas naging maagap sila ngayon sa paghahanda sa mga paparating na okasyon para maiwasan ang anumang mga insidente ng kriminalidad ngayong holiday season.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble