Libreng sakay ng LRT para sa mga mag-aaral, magtatapos na bukas

Libreng sakay ng LRT para sa mga mag-aaral, magtatapos na bukas

NAGPAALALA ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa kanilang Facebook page na hanggang ngayong Sabado na lamang, Nobyembre  5 ang libreng sakay para sa mga estudyante sa LRT- 2.

Simula kasi ngayong Nobyembre 6 ay balik na sa normal ang pamasahe ng mga sasakay na estudyante.

Kung saan, maaring na lamang nilang i-avail ang 20% discount sa pamasahe.

Hinimok ng pamunuan ng LRTA ang mga mag-aaral para mai-avail ang nasabing diskwento ay kinakailangan munang mag-presenta o magpakita ng school ID o proof of enrollment sa Passenger Assistance Office o Ticket booth.

Sa pinakahuling datos ng LRTA, umabot na sa 1, 527, 219 milyong estudyante ang nakinabang sa libreng sakay ng LRT-2.

Ang nasabing bilang ay naitala sa loob ng 58 na araw simula nang ipatupad ang naturang programa.

Mababatid na ipinatupad ng pamahalaan ang libreng sakay noong Agosto 22, 2022 para makatulong sa mga estudyante na naapektuhan ang pag-aaral ng pandemya.

Gayundin ng mga magulang sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina at pangunahing bilihin.

Samantala, magtatapos na rin sa Disyembre ang libreng sakay sa EDSA Carousel.

Sa budget hearing ng DOTr, walang pondong inilaan para dito sa susunod na taon.

Umaasa ang transport sector na makakahanap ng pondo para maipagpatuloy ang libreng sakay sa EDSA Carousel at LRT-2.

Follow SMNI NEWS in Twitter