MAKAKALIBRE na ang ilang pasahero na araw-araw sumasakay ng bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Partikular na ‘yung mga bumibiyahe ng maaga at hapon papuntang Naic, Cavite.
Naglunsad kasi ng libreng sakay ang Office of the Vice President (OVP) nitong Miyerkules, Agosto 14 sa nasabing ruta.
Isang bus muna ang inilaan ng OVP para sa Naic mula Lunes-Sabado – alas 5-9 ng umaga at 5-9 ng gabi.
Matatagpuan ang OVP Bus sa Gate 6 ng PITX sa Parañaque City.
“Pang-walong bus na po ito ng Office of the Vice President. Meron tayong apat no dito sa Metro Manila, meron tayong isa sa Davao, may isa rin po tayo sa Cebu at isa sa Bacolod. So, overall meron na tayong 8. Meron pa kaming 9 na ilu-launch somewhere in Visayas,” pahayag ni Norman Balaro, Director for Operations, OVP.
Ayon sa OVP, nakabase ang Libreng Sakay Program sa rekomendasyon ng mga transport group kung saang ruta o lugar sa Pilipinas na dagsa ang mga mananakay.
Mga pasahero, nagpasalamat kay VP Sara Duterte sa libreng sakay
Samantala, labis naman ang pasasalamat ng mga pasahero dahil inilapit ni VP Sara Duterte ang serbisyo ng gobyerno sa kanila.
“Sa pamasahe na lang simula doon sa Cavite hanggang Manila—300. Kung lagi akong makakalibre makaka-save ako ng 2,000 per cut off. May pandagdag baon ‘yung mga anak ko,” ayon kay Tan, nakasakay sa libreng biyahe ng OVP.
“Sana ho magtuluy-tuloy pa ‘yung mga ganitong program para sa mga Pilipino. Kasi sobrang nakakatulong siya,” aniya pa.
“Thank you po, thank you po Madam VP. Maraming salamat sa ganitong opportunity,” ani Elmer, nakasakay sa Libreng Biyahe ng OVP.
Bukod sa biyaheng NAIC, tutulong din ang Libreng Sakay ng OVP sa mga pasaherong maaapektuhan ng malawakang transport strike sa Metro Manila.