Libreng sakay sa mga bakunado, inilunsad ng DOTr simula ngayong-araw

Libreng sakay sa mga bakunado, inilunsad ng DOTr simula ngayong-araw

INILUNSAD ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay program para sa mga nabakunahan ng kontra COVID-19.

Maliban dito ay mamimigay rin ng libreng snacks ang ahensya sa mga nabakunahan na naghihintay ng kanilang biyahe sa mga pantalan at paliparan.

Nagsisimula na ngayong-araw Agosto 3 hanggang Agosto 20 ang libreng sakay program.

Binigyang diin ng kalihim na libre ang pamasahe ng mga bakunadong Authorized Person Outside Residence (APOR) kahit nakaka-isa o dalawang dose na ang mga ito.

Upang maka-avail ng libreng pamasahe, kinakailangan lamang na iprisinta ng mga APOR ang kanilang vaccination cards bilang patunay na sila ay nakatanggap na ng COVID-19 vaccine.

Magbibigay naman ang Philippine Ports Authority (PPA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Manila International Airport Authority (MIAA) ng libreng snacks para sa mga nabakunahan na naghihintay ng kanilang biyahe sa mga pantalan at paliparan.

“Sa road sector naman, kamakailan ay napapayag ko ang PITX na i-waive ang terminal fee na kanilang sinisingil sa mga bus simula ngayong araw, 2 August,” ayon kay Tugade.

Ang inisyatibong ito ay napagkasunduan ng buong Kagawaran ng Transportasyon upang makatulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kaligtasan ng ating mga kababayan, at upang matulungan ang gobyerno na mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna.

 ‘’Ipinag-utos ko ang pagpapatupad ng libreng pamasahe para sa mga bakunadong pasahero ng MRT-3, LRT-2, AT PNR simula ngayong-araw, August 3-20,’’ayon kay Secretary Tugade.

‘’Mas mahalaga sa amin sa DOTr ang kalusugan ng ating mga kababayan kaysa kita. Kaya naman simula ngayong-araw, libre na ang pamasahe ng mga bakunadong APOR, kahit nakaka-isa o dalawang dose na ang mga ito,’’ dagdag nito.

SMNI NEWS