INANUNSYO ngayong araw ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) ang pagpapalawig ng “Libreng Sakay” hanggang sa Mayo 30.
Ito ay upang tugunan ang problema at bigat sa gastusin sa transportasyon araw-araw ng mga pasahero.
Isang malaking kaginhawaan para sa mga pasahero na makalibre sa gastusin sa transportasyon lalong lalo na sa mga araw-araw na bumabiyahe patungo sa kani-kanilang trabaho o destinasyon.
Dahil malaking kalbaryo ngayon ng publiko ang nagtataasang gastusin.
Matatandaang, nagsimula ang “Libreng Sakay” program sa MRT-3 noong Marso 28 at nakatakda sanang matapos ngayong Abril 30.
At ngayong araw ay inanunsyo ng pamunuan ang pagpapalawig sa “Libreng Sakay” program hanggang sa Mayo 30.
Layunin nito na patuloy na makapaghatid ng tulong sa mga kababayang patuloy na naapektuhan ng krisis sa langis at tumataas na presyo ng mga bilihin.
Tugon ito ng ahensiya upang mas marami pa ang makinabang sa mas pinaayos, ligtas at pinagandang serbisyo ng newly rehabilitated MRT-3 line.
Dagdag pa ni MRT-3 General Manager Michael Capatin, bukas ang mga istasyon ng MRT-3 mula 4:40 ng madaling araw hanggang 10:10 ng gabi.
Ani Capati, isa rin sa kanilang masusing binabantayan ay ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT-3.
Kayat, sinisiguro nito na mayroong sapat na mga tauhan ang ahensya na oras-oras pinaalalahanan ang publiko sa pagsunod sa mga alituntunin na may kaugnayan sa kalusugan.
Kasabay nito, nagpahayag naman ng pagbati ang Department of Transportation (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Art Tugade.
Aniya, ang pagpapalawig ng free ride program ay magpapagaan sa mga commuter sa gitna ng inflation at sa mas maraming manggagawa na bumabalik sa on-site na trabaho.
“Gumanda at nagbago ang ridership ng MRT-3. Bago mag-pandemya, 260,000. At bagama’t may pandemya, ‘yung ridership ay umaabot sa 280,000. At ngayon, nasa 300,000 na ang naisasakay ng MRT-3 at naihahatid nang ligtas, kumportable, at walang aberya. Napapanahon na i-extend pa natin ang Libreng Sakay sa MRT-3 upang mas maraming Pilipino ang makinabang,” pahayag ni Tugade.
Pagbibigay diin pa ni GM Capati na ang pagtaas ng ridership sa MRT-3 ay kasunod ng pagbubukas ng free ride program ng pamahalaan.
Sa datos ng ahensya, naitala ang pinakamaraming bilang ng mananakay noong Abril 8, 2022 na pumalo sa higit 330,000 kung ikukumpara noong Marso 25, 2022 na nasa 258,989 lamang.
At nasa kabuuang 7,227,434 na mga pasahero noong Abril 26 ang nakinabang sa programa simula nang inilunsad ito noong Marso 28, 2022.
Dahil dito, ikinatuwa ng mga pasahero ang pagpapalawig sa programa.
Upang mas madagdagan pa ang kapasidad ng linya ng riles, magpapatuloy sa pagdedeploy ng 4-car CKD train sets ang pamahalaan na kung saan kayang-kaya hanggang 1,576 na pasahero.