Libreng Wi-Fi sa lahat ng resettlement projects ng pamahalaan, inilunsad na

MAY libreng Wi-Fi ang lahat ng mga nakatira sa resettlement sites o housing projects ng pamahalaan.

Ito’y sa ilalim ng pinirmahang kasunduan sa pagitan ng Department of  Human Settlements and Urban Development at Alpha 3 technologies, isang pribadong grupo na binubuo ng iba’t ibang developers at korporasyon na nais magbigay at magtatag ng isang community Wi-Fi sa ilalim ng pangangasiwa ng DHSUD, Social Housing Finance Corporation at National Housing Authority.

Ang BALAI-Net project ay libreng pakikinabangan ng mga residente na may kapasidad na magbigay ng libreng internet connection service mula 29 to 100 MBPS sa bawat tahanan.

Libre din ang  konstruksiyon ng mga sites hanggang sa installation nito.

Wala namang kinakailangang dokumento ang mga residente ng alinmang subdibisyon o isang komunidad, ang mahalaga anila ay masunod lang ang mga kailangang hakbang sa mas mabisang pag-arangkada ng nasabing proyekto katuwang ang ilang pribadong sektor na mangangasiwa dito.

Sa ngayon, isa ang Disiplina Village sa Valenzuela City ang mayroon nang free Wi-Fi access mula sa nasabing proyekto at inaasahang magiging prayoridad din dito ang kasalukuyang housing projects sa Lungsod ng Marawi na unti-unti nang bumabangon mula nang maganap ang malagim na kaguluhan sa kanilang lugar.

Bukod sa internet access para sa mga benepisyaryo, tiniyak din ng pamahalaan na magkakaroon ng sapat na lugar ang mga IT upang makahanap ng trabaho at oportunidad lalo na sa mga nawalan ng trabaho at hanapbuhay dahil sa pandemiya dulot ng COVID-19.

Kasabay nito ang pagtitiyak ng pamahalaan, partikular na sa mga kabataan at mga mag-aaral na hindi magagamit ang libreng internet connectivity sa mga piling resettlement sites laban sa mga mapang-abusong sites o gaya ng cybersex at pornography upang makalikha ng mas maayos na pamayanan.

SMNI NEWS