PATAY ang isang lider ng New People’s Army (NPA) sa isang engkwentro sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng armadong kalalakihan sa probinsiya ng Surigao del Norte.
Kinilala ang nasawing lider bilang alyas ‘Wolf,’ isang bomb-making expert ng NPA Guerilla Front 16 (GF-16) ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).
Residente si alyas Wolf ng Kilometer 8, Barangay Bolhoon sa Surigao del Sur at patuloy pang inaalam ang tunay na pagkilanlan nito.
Ayon sa 30th Infantry Battalion (IB), dating lider ang nasawing rebelde ng Sandatahang Yunit Pampropaganda 16C (SYP-16C) at 16B ng GF-16, NEMRC.
Kahapon ng Martes nang rumesponde ang tropa ng 30IB sa natanggap na report kaugnay sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Alipao, Alegria sa nasabing probinsiya.
Nagsagawa umano ang mga armadong kalalakihan ng pangingikil at hinaharass ang mga residente sa lugar.
“The responding troopers, upon reaching the area, were fired by the NPA insurgents led by Roel Neniel, alias ‘Jacob’ ng SYP-16C1 at Alberto Castañeda, alyas ‘JD” ng SYP-16C2,” ayon sa pahayag ng 30IB.
Umatras ang mga rebelde matapos ang halos isang oras na engkwentro kung saan kanilang iniwan ang patay na katawan ni alyas Wolf.
“As they scampered to different directions, the NPA rebels abandoned the dead body of alias Wolf,” ayon pa sa 30IB.
Narekober sa pinangyarihang lugar ang M16 rifle, isang AK-47, isang AR15 rifle, isang rifle grenade, at isang anti-personnel mine.
Kabilang din sa nasakote ang dalawang AK-47 magazines, tatlong M16 magazines, 970 rounds ng AK-47 ammunition, isang bandolier, isang handheld 2-way radio, mga rain boots, limang tents, mga medicine supplies, at isang blood pressure apparatus.
Narekober din sa lugar ang mga materyal para sa paggawa ng bomba kagaya ng 10 pirasong 1.5V batteries, at isang 50-meter wire.
Kinilala naman ni Lt. Col. Ryan Charles Callanta, 30IB commander, ang katapangan ng mga residente sa lugar dahil sa pagbigay ng impormasyon kaugnay sa presensya ng mga rebelde.
“We thank you for the continued support in our campaign against terrorism and in the efforts to win peace in our localities,” ayon kay Callanta.
Nagpaabot din ang opisyal ng pakikiramay sa naiwang pamilya ni alyas Wolf na nasawi sa pakikibaka sa maling ideolohiya ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng NPA.