Liderato ng Kamara, nanindigan sa desisyon na tanggalan ng 5 vice-chairmanships si Defensor

NANINDIGAN ang liderato ng Kamara sa pasya nila na tanggalan ng limang committee vice-chairmanships si Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor.

Tinanggal kay Defensor ang pagiging Vice-Chairmanships ng Committees on Health, Public Information, Dangerous Drugs, Good Gov’t & Public Accountability at Special Committee on Strategic Intelligence.

Ayon kay Deputy Speaker Lito Atienza, tinanggalan si Defensor bilang “direct consequence” sa pagtuligsa kay House Speaker Lord Allan Velasco.

Giit ni Atienza, malinaw na pag-atake ang mga pahayag ni Defensor nang ilunsad kamakailan ang “BTS sa Kongreso” alliance ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Bukod kay Defensor, tinanggal din bilang vice- Chairmanship si dating Deputy Speaker LRay Villafuerte.

“The two cannot cry foul especially when they said they’ve lost faith in the present House leadership,” ayon kay Atienza.

Ayon naman kay Probinsyano Ako Rep. Jose Singson Jr., ang mga tinanggalan ng posisyon ang may mga kasalanan sa kanilang sinapit.

“They held those positions because they are part of the majority. But after what they did, they clearly drew the line and they have to face the consequence,” ani Singson.

Mainit naman na binira ni Defensor ang mga opisyal ng Development Bank of the Philippines (DBP) kaugnay sa condoned loans ng Pamilya Lopez.

Para naman kay Defensor, ang pagtatanong niya kahapon sa public accounts hearing ang naging mitsa kung bakit tinanggalan siya ng posisyon.

Media Workers Welfare Act, pasado na sa Kamara

Samantala, pasado na sa Kamara ang House Bill 8140 o ang Media Workers Welfare Act na inakda ni ACT-CIS Rep. Niña Taduran.

Inoobliga naman ng panukala ang makatarungang pagpapasahod, hazard at overtime pay, insurance at lahat ng benepisyo para sa media workers.

Pati ang pagbibigay ng security of tenure, SSS, PAGIBIG, at PhilHealth coverage ay mandatory na rin.

Pinabibigyan din ng karagdagang insurance ang media workers na ₱200,000 death benefits at P200, 000 disability benefits, at P100, 000 medical insurance benefits.

Tiwala si ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran na mabibigyan na ang lahat ng manggagawa sa media ng karampatang proteksyon at seguridad sa kanilang trabaho.

“Wala nang makapang-aabuso sa mga manggagawa sa media kapag naging ganap nang batas ang Media Workers Welfare Bill,” paniniyak ni Taduran.

SMNI NEWS