INARESTO ang isang opisyal na pulis at apat pang police personnel dahil sa umano’y pangingikil sa Zamboanga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Major Orlyn Leyte, Officer-in-Charge ng Police Station 9, Zamboanga City Police Station at apat na miyembro ng PS9 Station Drug Enforcement Unit na sina PSSg Hegenio Salvador, PSSg Asser Abdulkadim, PCpl Ismael Sasapan at PCpl Juman Arabani.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang entrapment operation sa isang reklamo na umano’y humingi si Major Leyte ng P90,000 sa biktimang si Mrs. Melanie Casabuena Saloria, negosyante, dahil sa umano’y pagkasangkot nito sa illegal drug activity.
Sinabi ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo T Eleazar, inihanda na ang kaso ng Robbery Extortion and Violation of RA 3019 Anti Graft and Corrupt Practices Act and RA 6713 Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees ng mga imbestigador laban sa mga suspek.
Kabilang sa mga ebidensyang narekober ang marked money na nagkakahalagang P2,000, 88 pirasong P1,000 na boodle money, at isang Beretta 9mm Pistol na may lamang tatlong bala.
Nasa kustodiya na ng City Director of Zamboanga City Police Office ang mga suspek at pansamantalang nakakulong sa nasabing opisina para sa nararapat na kapasyahan at nakatakdang pagsampa ng kaso.
“The PNP will not tolerate personnel engaging in any unlawful and illegal acts. Officers must serve as role model to their subordinates,” pahayag ni Eleazar.
Ilalagay naman ang mga naarestong pulis sa ilalim ng Automatic Leave of Absence habang nakakulong.
(BASAHIN: Lalaking gumagamit sa pangalan ni Senator Go para makapangikil, inaresto ng NBI)