Limasawa Island, pansamantalang ipinagbawal ang pagpasok ng mga turista

IPINAGBAWAL pansamantala ng makasaysayang bayan ng Limasawa Island sa Southern Leyte ang pagpasok ng mga turista sa loob ng 10 araw.

Ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa ika-500 anibersaryo ng First Mass ng bansa na gaganapin sa Marso 31.

Sa isang advisory, sinabi ni Mayor Melchor Petracorta na bawal muna ang mga turista sa kanilang island town mula Marso 22 hanggang Marso 31.

Pinahihintulutan lang na magtungo sa nasabing lugar ang mga indibidwal na kabilang sa inaprubahang master list ng provincial government.

Bawal din ang pagpasok ng mga pribadong sasakyan mula sa mainland sa loob ng nasabing mga araw upang maiwasan ang pagbara ng trapiko sa panahon ng pagdiriwang.

Hindi rin pinahintulutan ang mga bangka na hindi nakalista sa gobyerno na maglabas-masok sa bayan.

“All boats must dock at the designated ports to ensure proper monitoring,” ayon kay Petracorta.

Ipagdiriwang ng bayan ng Limasawa ang kauna-unahang misa o First Mass sa bansa at Asya nang dumating ang kalipunan ng mga barko ni Ferdinand Magellan sa isla 500 taon ang nakararaan.

Kamakailan lang ay napagdesisyunan ng National Historical Commission of the Philippines na ang Limasawa ang lugar na kung saan ginanap ang unang misa.

Dahil dito, natigil ang dekadang pagtatalo sa pagkilala sa orihinal na lokasyon ng First Mass na inangkin din ng Butuan City sa Agusan del Norte.

(BASAHIN: Baguio, ipinagbawal ang mga turista mula NCR at karatig probinsiya nito)

SMNI NEWS