Limitadong face-to-face classes sa medical at allied health programs, pinayagan na

PINAYAGAN na ang limitadong physical classes sa medical schools at medical allied programs sa Higher Educational Institutions (HEIs) sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine o MGCQ maging ang mga HEI sa GCQ areas.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa isang pulong balitaan sa Malakanyang ngayong araw.

Una nang pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang University of the Philippines College of Medicine na mag-resume ng kanilang face-to-face clinical internship sa Philippine General Hospital.

Sa UP, sinabi ni College of Medicine dean Dr. Charlotte Chiong na aabot ng 200 mag-aaral ang magsasagawa ng rotation sa mga ospital para sa internship, habang 180 students naman ang bumalik na sa mga ospital nitong Enero 18 para sa kanilang clinical clerkship.

Kaugnay pa rin ng face to face learning, binigyang diin ni Roque na ang hakbang na ito ay upang matiyak na hindi kukulangin ang bilang ng mga doktor sa bansa sa gitna ng patuloy na kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19.

Una nang inihayag ng Commission on Higher Education (CHED) na pinahihintulutan na ang pagkakaroon ng limited face-to-face learning sa ilang unibersidad.

Sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera, ito para lamang sa piling mag-aaral ng medisina at allied health sciences at sa mga unibersidad na nasa MGCQ.

Kasama sa tatlong unibersidad na pinayagan ng CHED ay ang University of the Philippines – Manila, Ateneo de Manila University, at ang Our Lady of Fatima University sa Valenzuela.

Samantala, sa ibang paaralan naman na nais magpatuloy ng face-to-face classes, nilinaw ni De Vera na kailangan munang magsumite ng aplikasyon sa kagawaran.

Pagkatapos nito, ayon sa pinuno ng CHED, ito ay kanilang bibisitahin at iinspeksyunin kung pasado sa requirements.

Matatandaang noong Disyembre 2020,  dahil sa pinangangambahang bagong variant ng COVID-19, binawi ni Pangulong Duterte ang unang desisyon na payagan ang pilot testing ng face-to-face classes sa taong ito ng 2021.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.