Limitasyon sa pag-aari ng mass media, tatanggalin sa ilalim ng economic Cha-Cha

MULING nabuhay ang usapin ng foreign ownership sa mass media  sa isinusulong ngayon na economic Cha-Cha.

Malinaw na nakasaad sa konstitusyon na tanging mga Pilipino lamang ang may karapatan na magmay-ari at mag-operate ng mass media companies, korporasyon, kooperatiba at asosasyon sa bansa.

Ang limitasyon sa mass media ay isa sa mga paksang natalakay sa naganap na ABS-CBN franchise hearing noong nakaraang taon.

Nasilip noon na nagbenta ang ABS-CBN ng Philippine Depositary Receipts o PDRs sa mga dayuhan.

Pati na ang dual citizenship ni ABS-CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez ay naungkat din.

Kabilang ang mga na isyu sa mga basehan kung bakit ibinasura ang franchise ng Channel 2.

Pero sa isinusulong ngayon na economic Cha-Cha, posible nang matanggal ang limitasyon sa pagmamay-ari ng mass media.

Ayon kay Rizal Rep. Jack Duavit, ‘outdated’ na ang limitasyon sa makabagong panahon ngayon.

Bukod sa mass media, mabubuksan na rin sa mga dayuhan ang pag-aari ng mga public utility companies.

Kung lulusot ang economic Cha-Cha, pwede nang makapag may-ari ang mga dayuhan ng electric, water at telecommunication company sa bansa.

Subalit ayon sa isang franchise expert, masama na bigyan ng kapangyarihan ang mga dayuhan na makapag may-ari ng mass media.

Samantala, nilinaw naman ni Duavit kung bakit hindi pwedeng alisin ng buo ang lahat ng restrictive economic provisions sa konstitusyon.

Sa bersyon ng Cha-Cha na isinusulong, isisingit lamang ang katagang “unless otherwise provided by law” sa economic provisions.

Para naman sa Magsasaka Partylist, hindi maaari na luwagan ang foreign restrictions sa pag-aari ng lupa sa bansa.

Ayon sa grupo, hindi makatarungan na ibenta sa mga dayuhan ang mga lupang dapat ang mga Pinoy ang makinabang.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.