SINUSPINDE na ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw ang lisensiya ng drayber na nagmamaneho ng kotse na sumalpok sa 2 motorsiklo sa San Esteban, Ilocos Sur noong Pebrero.
Ang naturang drayber ay nakuhanan pa ng video at nag-viral sa social media, matapos mabangga ang 2 kalahok sa BOSS Ironman Motorcycle Challenge na malubhang ikinasugat ng mga rider.
Matapos masuspinde ang lisensiya, inilagay naman sa alarma ng LTO-Intelligence and Investigation Division ang sasakyan ng drayber.
Bibigyan ng isa pang pagkakataon ng LTO ang drayber ng kotse upang pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat makasuhan ng reckless driving alinsunod sa Republic Act 4136.
Gayundin kung bakit hindi dapat tuluyang mabawi o mapawalang-bisa ang driver’s license nito.
Samantala, binigyan ng 5 araw ang BMW Owners Society of Saferiders (BOSS) na namahala sa BOSS Ironman Motorcycle Challenge upang maghain ng position paper nito at ipaliwanag kung bakit hindi dapat managot ang mga ito dahil sa paglabag sa Road Safety Rules and Standards sa ilalim ng RA 4136.