Listahan ng mga paaralan bilang vaccination sites, hindi pa pinal —CHED at DepEd

WALA pang pinal na listahan ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ng mga paaralan na maaaring gawing vaccination sites.

Ayon kay DepEd Undersecretary Diosado San Antonio ito ay dahil may mga requirement pa sila na dapat i-comply bago sila magagamit sa naturang pakay.

“Ang listahan po ay hindi pa final, ayun ang pagkakaalam ko. May mga requirements po tayo na kailangan makumpleto at kasalukuyang tinigtignan kung sila po ay makaka-comply sa mga hinihingi,” pahayag ni San Antonio.

Samantala, saad naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera III na kamakailan lang ay napag-usapan nila ni National Task Force on COVID-19 Response Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ang tungkol sa posibleng paggamit sa mga unibersidad at kolehiyo na payag gamitin ang kanilang facilities bilang vaccination sites.

“Doon sa aming usapan, ang aming tinignan ay ano yung iba’t-ibang option para sa mga pamantasan na papayag i-offer yung kanilang campus para sa vaccination,” ayon kay De Vera.

Posibleng magamit bilang vaccination hubs ang mga paaralan na naghahanda para sa limited face to face classes ayon kay De Vera dahil nai-retrofit o na-reconstruct na ng mga pamatansang ito ang kanilang mga pasilidad alinsunod sa required na health standards sa gitna ng pandemya.

Tinitingnan din ng gobyerno ang posibilidad na gawing mga vaccination sites ang ilang COVID-19 testing centers at quarantine facilities ayon kay Testing Czar Vince Dizon.

Nauna ring nag-alok ang ilang simabahan na baguhin kanilang pasilidad upang magamit para sa naturang pakay.

SMNI NEWS