Listahan ng nuisance candidate, ilalabas matapos ang Nobyembre 15 —Comelec

Listahan ng nuisance candidate, ilalabas matapos ang Nobyembre 15 —Comelec

INIHAYAG ng Commission on Election (Comelec) na kanilang ilalabas ang listahan ng mga kakasuhang nuisance candidate sa ikalawang linggo ng Nobyembre o matapos ang Nobyembre 15.

Kinumpirma ng Comelec  na higit 70 porsiyento ng mga nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) para sa nasyunal na posisyon ay maaaring maideklarang ‘nuisance candidates’ sa oras na maisaayos na ang kanilang talaan.

Sa isang press conference ay sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na ilalabas ang listahan o declaration ng nuisance matapos ang Nobyembre 15.

Ayon pa kay Jimenez, kakasuhan ang mga idedeklarang nuisance candidate pero aniya meron nang nakasuhan ngunit sa ngayon isinasapinal pa ang listahan.

Sa Rules of Procedure ng Comelec, mai­dedeklarang ‘nuisance’ ang sinumang aspirante na nagsumite ng COC para insultuhin o bastusin ang proseso ng halalan o kaya ay lumikha ng kalituhan.

Kasama rin dito ang nagpakita na wala talagang interes na tumakbo sa halalan.

Sa datos ng Comelec, nakatanggap sila ng 97 COC para sa pagkapangulo; 28 sa pagka-bise-presidente; 174 sa Senador; at 270 party-list candidates.

Samantala, inaasahan namang sa buwan ng Enero 2022 ang unang isasagawang presidential debate ng Comelec.

Ayon kay Jimenez, magsasagawa sila ng tatlong magkakahiwalay na presidential at vice presidential candidates sa susunod na taon bago ang election.

Suportado naman aniya ng Comelec ang sinumang grupo na nais mag-organisa ng senatorial debate.

Sa ikalawang linggo pa Disyembre malalaman kung sino ang mga opisyal na tatakbo para sa 2022 national at local elections dahil sa isinasailalim pa sa pagsala ng Comelec ang mga nagsumite ng kanilang COC.

SMNI NEWS