INIHAYAG ng Malakanyang na exempted o hindi saklaw ng ipinapatupad na travel restrictions dito sa bansa ang mga local at accredited foreign diplomats kasama na rin ang mga taga World Health Organizations (WHO) at iba pang international organization tulad ng United Nations (UN).
Pero, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan pa ring sumailalim ng mga ito sa COVID-19 RT-PCR test pagdating sa Pilipinas at dumaan sa 14-day quarantine.
Maliban dito, ani Roque, dapat ding sumalang sa mandatory testing at quarantine measures ang sinumang pasahero na darating sa bansa na nabakunahan na ng anti-COVID-19 vaccines.
Kasama rin sa exempted sa travel ban ang foreign dignitaries na sasailalim sa testing at quarantine protocols pagdating ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Roque, kasalukuyang nasa tinatayang 27 mga bansa ang sakop ng travel restrictions sa bansa at tatagal hanggang Enero 15.
Bumuo naman ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng Technical Working Group on COVID-19 variants, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan lang.
Ang TWG ang siyang magmomonitor at tutukoy kaugnay ng new variant ng coronavirus at siya ring magbibigay ng policy recommendations sa IATF ukol sa tamang pagreponde sa naturang variants.
Si Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire ng Department of Health (DOH) ang mamumuno sa Technical Working Group.
Habang si Executive Director Jaime Montoya ng Philippine Council for Health Research and Development ang magsisilbing Co-Chair.
Kabilang naman sa mga myembro ng TWG sina Dr. Anna Ong-Lim ng DOH Technical Advisory Group (TAG); Dr. Marissa Alejandria ng DOH TAG; Dr. Edsel Maurice Salvana ng DOH TAG; Dr. Celia Carlos ng Research Institute for Tropical Medicine K RITM; Dr. Eva Maria Cutiongco-dela Paz ng University of the Philippines National Institutes of Health o UP-NIH; Dr. Cynthia Saloma ng University of the Philippines – Philippine Genome Center; at Dr. John Wong of Epimetrics.