Lockdown sa bansang Laos, palalawigin pa hanggang Mayo 13

DAHIL sa posible pang lumala ang coronavirus outbreak, inihayag ni Laos Prime Minister Thongloun Sisoulith na palalawigin pa nito ang umiiral na lockdown sa bansa.

 

Labing-apat na araw ang idinagdag sa ipinatutupad na lockdown sa Laos na nagsimula noong Marso 30.

 

Dahil dito, hiniling ng Prime Minister sa publiko  na sundin ang rekomendasyon ng National Taskforce Committee for COVID-19 Prevention and Control, tulad ng pagbabawal sa lahat ng residente na umalis o lumabas ng kanilang mga tahanan maliban lang sa mga mahahalagang lakad tulad ng pagbili ng mga pangunahing pangangailangan o serbisyo.

 

Binigyang-diin din ng Prime Minister na pinangangambahan pa rin na kahit may isang pasyente na fully recovered na sa sakit ay may posibilidad na maikakalat pa rin ang virus.

 

Idinagdag din ni Prime Minister Thongloun na apektado din ang industriya ng bansa partikular na ang kapakanan ng mga indibidwal na kahit sa selebrasyon ng Laos New Year na nakasanayan na sa loob ng daang libong taon ngunit sa kasalukuyan ay nagiging limitado na.

 

Sa ngayon ay nanatiling walang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa loob ng tatlong magkakasunod na araw ang bansa habang nanatili pa rin sa 19 ang bilang ng impeksyon sa buong bansa at nasa 30 naman ang pinaghihinalaang kaso na nagnegatibo sa resulta ng virus test.

 

Sa kabila nito, patuloy pa rin na pinaalalahanan ng gobyerno ng Laos ang publiko na sumunod sa mga patakaran at alituntunin para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

SMNI NEWS 

Leave a Reply

Your email address will not be published.