INIHAYAG ng OCTA Research na hindi nila irerekomenda ang pagpatupad ng lockdown sa mga susunod na linggo.
Ito ay sa harap ng nakaambang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa katapusan ng April, mapapaso na ang umiiral na Alert Level 1 status sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Pero ayon sa OCTA Research, hindi imumungkahi ng grupo ang pagpatupad muli ng mahigpit na restriksyon.
May ispekulasyon na may posibilidad na magpatupad ng lockdown pagkatapos ng halalan dahil sa nakaambang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Una rito, batay sa projection ng Department of Health (DOH), posibleng aabot sa 500,000 ang active COVID-19 cases sa kalagitnaan ng Mayo kapag patuloy ang paglabag ng publiko sa minimum public health standards.
Pero para sa grupong OCTA Research, sinabi ni Dr. Ranjit Rye na hindi irerekomenda ng grupo ang pagpatutupad ng lockdown sa kabila ng posibleng pagsipa ng COVID cases.
“Sa ngayon preventive ho iyong initiative namin. We’re trying to provide data to say that there is a possibility of an uptick and maybe a surge. Wala hong rekomendasyon ang OCTA to lockdown,” ayon kay Rye.
Aniya, anuman ang magiging takbo ng covid situation sa mga susunod na linggo ay naniniwala ang OCTA na magiging manageable ito lalo’t napag-ibayo na ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa pandemya.
Gayunpaman, nanawagan ang OCTA sa publiko lalo na sa senior citizens at may commorbidities na magpa-booster na kontra coronavirus para maiwasan na sumipa muli ang mga kaso.
“Ang vaccination po ay medyo extensive na ho ang naabot. Kulang pa pero sa tingin namin ay maaabot iyan by June bago bumaba si President Duterte. And ang tingin namin, iyong mga regions na hindi pa masyadong mataas iyong vaccination level, sila ang most vulnerable ho sa mga upticks at saka surges po,” ani Rye.
“At saka iyong threat naman ngayon, yes, may possible threat pero iyon nga, hindi naman tayo puwedeng mag-overreact agad doon sa mga possible threats na iyan,” ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research.
“So, ang talagang focus natin ay dapat pagdiinan natin itong vaccination at pagpapa-boosters natin para ma-prevent natin iyong hospitalizations kapag sakaling makapasok dito iyong mga sub-variant na nakita sa South Africa at saka sa India,” dagdag ni David.
Pagdating naman sa borders ng bansa, inihayag ni OCTA fellow Dr. Guido David na hindi pa kinakailangang maghigpit masyado.
Ito’y lalot target ng Philippine government na matulungang sumiglang muli ang ekonomiya partikular ang sektor ng turismo.
“Sa minimum public health standard, patuloy na pagsusuot ng face mask at pag-iingat ay iyan naman iyong mga kailangan natin. Hindi pa naman natin kinakailangang maghigpit masyado especially sa ating mga borders, dahil gusto nga nating matulungan ang ating ekonomiya, iyong ating tourism na nagpo-flourish na ngayon,” ani David.
Ganoon rin ang patuloy na paalala ng pamahalaan sa publiko, na dapat panatilihin ang pagsunod sa health at safety protocols kahit pa nagluwag na ang restriksyon sa maraming bahagi ng bansa.