INANUNSIYO na ng Malakanyang ang lokasyon ng apat na karagdagang EDCA sites sa bansa.
Nitong Lunes, Abril 3, inanunsyo ng Malakanyang ang apat na lokasyon para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang apat na lokasyon ay itinuturing na angkop at kapwa kapaki-pakinabang bilang karagdagang mga site ng EDCA na nakikitang magpapalakas sa pagtugon sa kalamidad ng bansa.
Ito’y dahil ang mga lokasyon ay gagamitin din para sa mga humanitarian at relief operations sa panahon ng emergencies at natural disasters.
Saad pa ng Palasyo, kabilang sa apat na lokasyon na ininspeksiyon at in-assess ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan.
Matatandaang sa isang Army event noong nakaraang buwan, sinabi ni Pangulong Marcos na natukoy at napagkasunduan na ng Filipino at American officials ang apat na bagong site.
Saysay pa ng Pangulo, pangunahing layunin nito ay ang ipagtanggol ang silangang baybayin ng bansa.
“It’s really to defend our eastern coast. Pero mayroon ding element that is there because of our continental shelf which is on the eastern side of Luzon,” saad ni pangulong Marcos.
Kaugnay naman ng pagtutol dito ng ilang local government units (LGUs), nabanggit na rin ng Pangulo na nakipag-usap siya sa mga opisyal ng mga LGU na iyon at ipinaliwanag ang kahalagahan ng EDCA sites sa kanilang mga nasasakupan.
“Yes, we explained to them why it was important that we have that and why it will actually be good for their province. And mukha namang naintindihan nila because most of the – those who had interposed some objections are really right now, naintindihan naman nila and they come around to support the idea of an EDCA site in their province,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nauna nang sinabi ni Department of National Defense (DND) spokesperson Arsenio Andolong na ang EDCA sites ay hindi magiging base militar ng Amerika.
Ang mga site na ito, ayon sa opisyal ng DND, ay gagamitin bilang storage at warehouse facilities para sa military logistics.
Sa kabilang dako, muling iginiit ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa kaniyang talumpati sa isang flag-raising ceremony nitong umaga ng Lunes, Abril 3, ang kaniyang paninindigan na tutulan ang pagkakaroon ng EDCA site sa kaniyang lalawigan.
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng kapayapaan.
Saad pa ni Mamba, ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para maging premier province ang Cagayan.
Ngunit, mayroong roadblocks tungo sa pagsasakatuparan nito at isa ang EDCA site.
Una na ring inihayag ni Gov. Mamba na tatalima siya sa desisyon ng national government hinggil sa pagtatayo ng EDCA sites sa Cagayan, pero nilinaw niyang tutol pa rin siya dito.