Lorin Gutierrez, may apela sa bashers ng kanilang pamilya

Lorin Gutierrez, may apela sa bashers ng kanilang pamilya

UMAPELA sa publiko si Lorin Gutierrez, ang anak ni Ruffa Gutierrez sa ex-husband nitong si Yilmaz Bektas na tigilan na ang pamba-bash sa kanilang pamilya.

Batay ito sa vlog na ipinalabas ni Lorin noong Hulyo 18 kung saan masaya sana nitong ibinahagi ang naging reunion nito sa kanyang ama.

Ibinahagi lang ni Lorin na hindi siya nasiyahan sa mga negatibong komento na kanyang nalaman hinggil sa itinuturing niyang pinaka-importante na kaganapan sa kanyang buhay.

Aniya, may mga komento na umano’y parang nasa isang pelikula ang kanilang pamilya.

Marami rin ang nagbigay ng kani-kanilang sariling kuro-kuro sa dahilan ng muling pagkikita.

Kung sisilipin, noong nakaraan buwan ay muling nagkita si Yilmaz at si Lorin kasama ang kanyang kapatid na si Venice sa Istanbul, Turkey para sa isang reunion.

Sa kabila nito, umaasa si Lorin na sa pamamagitan ng kanyang vlog ay maging inspirasyon siya sa ibang indibidwal na may kaparehong sitwasyon ng kanyang pamilya.

Follow SMNI NEWS in Twitter