“Love the Philippines”, mananatili pang slogan ng DOT matapos ang kontrobersiya?

“Love the Philippines”, mananatili pang slogan ng DOT matapos ang kontrobersiya?

AGAD na binalot ng kontrobersiya ang bagong Tourism slogan ng bansa na “Love the Philippines” ilang araw matapos itong inilunsad.

Hindi nakalagpas sa mga mata ng netizen ang ilang video clips na ginamit sa audio-visual presentation ng nasabing slogan na stock footage pala at kuha mula sa ibang bansa.

Dahil dito pinutol ng Department of Tourism (DOT) ang kontrata nito sa DDB Philippines.

Pero ang tanong ng karamihan, mananatili bang “Love the Philippines” ang Tourism slogan ng bansa?

Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap sa publiko si Frasco sa isang event ng departamento na ginanap sa Philippine Convention Center nitong Miyerkules ng umaga ilang araw matapos pumutok ang kontrobersiya.

Nang tanungin ng media kung gagamitin pa ba ang “Love the Philippine” slogan, sinabi ni Frasco na halata o makikita naman sa event.

Kapansin-pansin ang mga katagang “Love the Philippines” mula sa mga tarpaulins, souvenirs, program, presentations hanggang sa speech ng kalihim na ilang beses niyang nabanggit.

 “Love the Philippines. Who loves the Philippines? We all love the Philippines. What better way to demonstrate the deep love that both Filipinos and foreigners have for the Philippines than in robust numbers that we have just seen from the Philippine Statistics Authority (PSA),” ayon kay Sec. Christina Garcia-Frasco, DOT.

Sa event, ibinida ng DOT ang napagtagumpayan ng bansa sa Tourism industry noong 2022 kung saan tumaas ang bilang ng mga visitor arrival at kita sa turismo.

Mga bagay na ayon kay Frasco ay layuning magbigay ng pag-asa sa bansa sa kabila ng mga paghihirap, mga pagsubok, mga hamon na kinaharap nitong 2022.

“None of these has served to dampen our spirit. None of these has served to diminish the beauty of our country. And none of these trials and difficulties will prevent us from claiming our rightful place as a tourism powerhouse in Asia,” dagdag ni Frasco.

Mga nananawagan na mag-resign si Sec. Frasco, OA—Cong. Salceda

Samantala, tinawag namang OA ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda ang mga nanawagan na mag-resign si Frasco.

Sa kabila ng kontrobersiya, naniniwala si Salceda na competent pa rin ang kalihim.

Ginawa naman ni Frasco ayon sa kongresista ang mga dapat gawin matapos naging kontrobersiyal ang AVP ng “Love the Philippines” campaign.

“OA. Unang-una pinatanggal natin ‘yun, tinanggal. Pinaimbestiga, inimbestiga. So ang kailangan ngayon, establish the facts. Nag-internal investigation siya, so ‘yung investigation niya isubmit niya sa Congress. ‘Yun ang dapat. That’s the necessary and logical next step for her.”At the end of the day, it’s a question. Do you think Secretary Frasco is competent? I think she is,” ayon kay Cong. Joey Salceda,  Albay Representative.

Congressional hearing sa “Love the Philippines” AVP, mahalaga— Cong. Salceda

Ayon pa kay Salceda, mahalaga na magsagawa ng pagdinig sa Kongreso upang mailabas ang totoo, hindi puro chismis at maibigay ang tamang rekomendasyon hinggil sa nangyari.

“Kasi puro chismis naman ‘yung lumalabas eh. May Erik Matti issue na. May Paul Soriano issue na. So at least mailabas doon ‘yung ano ‘yung mga dokumento. Kasi congressional hearing can ask for the document where there checks signed. The vouchers. The bidding materials. The PhilGEPS.”

“We need to establish the case facts for this matter para we can make recommendation based on empirical data,” ani Salceda.

Sec. Frasco, inulan ng suporta mula sa mga opisyal at empleyado ng DOT

Samantala, nagpahayag ng pagsuporta ang mga opisyal at empleyado ng DOT kay Frasco.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter