MULING nakapagtala ng panibagong record high sa bilang ng mga pasahero ang Light Rail Transit Authority (LRTA) Line 2.
Pumalo na sa halos 200,000 ang naitalang pasahero ng LRTA Line 2, simula kahapon ng Agosto 15.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng ridership mula noong magsimula ang pandemya.
Ayon sa LRTA, mas mataas ito sa naitalang 168,963 na daily ridership noong Marso 3, kung saan maluwag na ang COVID-19 protocols at restrictions.
Bago kasi magpandemya, nasa higit 250,000 na mga pasahero ang sumasakay sa LRT-2.
Inaasahan ng pamunuan ng LRTA, na tataas pa ang average daily ridership ng LRT-2 ngayong buwan dahil sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa Agusto 29.
Ikinatuwa naman ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera ang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong sumasakay sa LRT-2.
Prayoridad at pagsusumikapan nila na mabigyan ang publiko ng ligtas at mas maginhawang biyahe.
Gayunpaman, muling nagpaalala ang pamunuan ng LRTA sa mga pasahero na sundin pa rin ang mga alituntunin para sa ligtas, maayos at kumportableng biyahe.