LTFRB, binawi ang pahayag ukol sa 100k slots sa TNVS

LTFRB, binawi ang pahayag ukol sa 100k slots sa TNVS

BINAWI ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbubukas ng 100,000 slots para sa Transportation Network Vehicle Services (TNVS).

Isasapinal muna ng LTFRB ang planong pagbubukas ng mga slot para sa TNVS.

Ayon sa LTFRB, kailangan muna itong isapinal matapos kuwestyunin ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon.

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, magsasagawa muna ng mga public hearing ang ahensya kasama ang iba’t ibang stakeholder bago ito magkaroon ng deliberasyon.

“LTFRB will first conduct public hearings with various stakeholders. LTFRB will deliberate on it in coordination with the Department of Transportation (DOTr) and will then issue appropriate policy guidelines,” ani Asec. Teofilo Guadiz III, Chief, LTFRB.

Kasabay na rin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) upang mailabas ang kaukulang pamantayan.

Sa oras maisapinal ang desisyon ukol dito ay bubuksan ang slot para sa mga motorsiklo at four-wheeled motor vehicles ng anumang Transportation Network Company (TNC) na interesadong kumuha ng prangkisa.

Kailangan aniyang balansehin ng ahensya sa pagbibigay ng slots para sa prangkisa ng mga TNVS sa iba’t ibang rehiyon.

Partikular na tinukoy ng opisyal sa Visayas at Mindanao upang matiyak na makikinabang ang mga pasahero.

Samantala, naniniwala ang LTFRB na ang pagbubukas ng slot ng prangkisa ay makakapagbigay ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter