LTFRB Chairman Guadiz, sinuspinde ni PBBM dahil umano sa korapsiyon

LTFRB Chairman Guadiz, sinuspinde ni PBBM dahil umano sa korapsiyon

NAGLABAS na ng pahayag ang Office of the President (OP) kaugnay sa alegasyon ng umano’y korapsiyon sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) patungkol sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program.

Kasunod ito ng paglantad ng whistle blower na si Jeffrey Gallos Tumbado, dating Executive Assistant ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.

Itinuturo ni Tumbado si Chairman Guadiz na sangkot sa talamak na korapsiyon sa ahensiya.

Nakararating pa umano ito sa ilang opisyal ng Transportation Department at Palasyo.

Aabot aniya na sa P5-M ang ibinabayad ng bawat operator kapalit ng pagkuha ng prangkisa, ruta at special permit.

Bukod pa ito sa P2-M na kailangang kota ng mga LTFRB Regional Director.

Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagsuspinde sa hepe ng LTFRB.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pangulo na hindi niya kukunsintihin ang maling asal ng sinumang opisyal ng pamahalaan sa kaniyang administrasyon.

Inutos din ni Pangulong Marcos ang agarang imbestigasyon.

Sa hiwalay rin na pahayag,  pinaiimbestigahan na rin ni DOTr Sec. Jaime Bautista ang umano’y malawakang korapsiyon sa ilalim ng liderato ni Guadiz.

“We already launched an investigation on the allegations against the LTFRB. While we are already evaluating the alleged irregularities involving [Chairman Guadiz], we also issued a notice to explain against Guadiz for him to shed light on the allegations.” saad ni Sec. Jaime Bautista, DOTr.

Nanindigan ang kalihim na hindi niya kukunsintihin ang korapsiyon sa DOTr at mga sangay na ahensiya nito.

Tiniyak din ni Bautista na mananagot ang sinumang opisyal na mapatutunayang sangkot sa anumang katiwalian.

“We do not tolerate any form of corruption in the DOTr and will not hesitate to impose the stiffest sanction if the evidence so warrants,” dagdag ni Bautista.

Follow SMNI NEWS on Twitter