ALAS kwatro ng madaling araw ng Lunes, Nobyembre 20 personal na inikot ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III ang mga rutang inaasahang maapektuhan ng 3-araw na tigil-pasada.
Ito ay upang ma-monitor ang sitwasyon ng mga pasahero na sapat ang bilang ng pampublikong sasakyan.
Pasado alas sais ng umaga ay tinungo ng LTFRB chief ang kahabaan ng PHILCOA sa Quezon City.
Sa kanilang inisyal na monitoring, maayos pa ang daloy ng public transport partikular sa nabanggit na lugar.
Ito ang karaniwang sitwasyon ng public transport at volume ng mga pasahero araw-araw.
Kaya wala silang nakikitang problema sa public transport dahil nasa humigit-kumulang 250 na mga sasakyan din ‘yung kanilang ipinakalat para maghatid ng libreng sakay.
Iba pa rito ang libreng-sakay ng Quezon City government at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para masiguro na tuluy-tuloy ang pasada.
Pero, may ilang lugar lamang sa QC ang kanilang binabantayan para matiyak na tuluy-tuloy ang pasada.
Nagbabala rin si Guadiz na totohanin niya ang pagsususpinde ng prangkisa sa mga lalahok sa tigil-pasada na maghaharass, mambabato o manghihikayat ng mga tsuper.
Inaasahan mamayang alas tres ng hapon ay makikipag-usap siya sa lider ng grupong PISTON sa Monumento.
Ito ay upang tugunan ang kanilang problema at tigilan na ang ikinasang tigil-pasada na malaking abala sa mga kababayan.