INANUNSIYO ng Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB) na dadagdagan pa nila ang bilang ng mga public utility bus (PUB) units na bibigyan ng special permit tuwing special holiday gaya ng Pasko at Holy Week.
Ito’y matapos ilabas ang Memorandum Circular 2023-024 ng LTFRB na nag-aamyenda sa Memorandum Circular 2015-008 at Board Resolution No. 052, Series of 2018.
Tugon din ito sa inilapit na hinaing ng mga bus operator nang makipagdayalogo kamakailan kay LTFRB chair Teofilo Guadiz III.
Sa ilalim nito, mula sa dating 25 porsiyento, ay iaakyat na sa 30 porsiyento ang kabuuang bilang ng bus units na papayagang makakuha ng special permit tuwing special holiday.
Layunin pa nito na tulungan sila na magkaroon ng karagdagang bus units at mas maraming pasahero.
Bukod dito, palalawigin din ng hanggang sa 14 na taon ang year model ng mga bus unit na papayagang bigyan ng special permit, mula sa dating 10 taon.
Magiging epektibo ang naturang memorandum mula Agosto 14, 2023.