NAKATAKDANG maglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga provincial bus operator dahil sa kaguluhang isinisisi sa pagpatutupad ng window hours scheme.
Ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion, posibleng ihain ang show cause order sa mga bus operator ngayong araw.
Ito ay dahil sa hindi nila pagbiyahe sa kanilang mga ruta na nakaapekto sa libo-libong stranded commuters.
Binatikos din ni Cassion ang tila paggamit ng mga bus operators sa kapakanan ng mga pasahero para umano isulong ang kanilang kagustuhan na payagan ang mga bus sa mga pribadong terminal sa Metro Manila.
Kahapon, maraming pasahero ang stranded sa iba’t ibang terminal matapos magpatupad ang mga operators ng 10pm hanggang 5am na window hours para sa departure at arrival ng provincial buses na walang QR codes at special permits sa private terminals sa Metro Manila.
Gayunpaman, nilinaw ng LTFRB na nakasaad sa kasunduan ng mga bus operator at MMDA na pagkalampas ng window period ay maaring gamitin ng provincial buses ang mga piling Integrated Terminal Exchange (ITX) areas.