LTFRB mahigpit na babantayan ang mga kolorum na sasakyan ngayong eleksiyon

LTFRB mahigpit na babantayan ang mga kolorum na sasakyan ngayong eleksiyon

MAY babala ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga gagamit ng kolorum na sasakyan ngayong darating na halalan.

“Kanina nga nabanggit ko na dyan sa mga terminal may mga scamper diyan mag-aanyaya kaya magmasid tayo dyan para hindi mabiktima ang ating mga pasahero. At kapag may nahuli ang karagdagang parusa ay e impose sa kanila,” pahayag ni Atty. Ariel Inton, Spokesperson, LTFRB.

Ito ang naging pahayag ni Atty. Ariel Inton, tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kaugnay ng mga indibidwal na sangkot sa kolorum na biyahe—isang seryosong isyung muling binibigyang pansin ngayong eleksiyon.

Ayon kay Atty. Inton, pinalalawak na ng LTFRB, katuwang ang LTO at iba pang ahensiya, ang kampanya laban sa kolorum—mga sasakyang walang prangkisa o yaong bumibiyahe out of line, o labas sa itinakdang ruta.

Sa pag-apply naman ng special permit, kailangang tukuyin ng operator ang eksaktong ruta ng biyahe—malinaw at detalyado, upang maiwasan ang anumang pag-abuso o maling paggamit nito.

Ayon pa kay Atty. Inton, nasa kapangyarihan pa rin ng mga regional director kung maglalabas sila ng special permit para sa mga UV Express. Samantala, sa main office ng LTFRB, tanging mga bus lamang ang binibigyan ng permiso.

“Depende po iyan sa regional directors sa kanilang mga region kung may ibibigay. Sa amin po sa main LTFRB head office ay mga buses ang permission, buses ang binibigyan. Wala naman po kaming na-receive na pagbabawal sa EDSA. Wala naman. Mas mainam mas maliwanag kung maitanong natin sa MMDA ang bagay na iyan,” ani Inton.

Punto pa ni Inton, sapat ang bilang ng pampasaherong bus sa Metro Manila. Hindi kasi lahat ng bus ay bumibiyahe patungong probinsiya, kaya may natitira pa ring sasakyan para sa mga pasahero sa Kalakhang Maynila—lalo pa’t karamihan sa mga opisina’t paaralan ay walang pasok sa araw ng halalan.

“Una ‘yung mga terminal nila patago, kung saan-saan sila maghihintay ng pasahero at nag-aanyaya. Tapos ‘yung kanilang mga sasakyan ay unmarked vehicles kung tawagin. Wala namang nakalagay na ruta, mas mataas ang pamasahe iyan. Iyong mga disadvantage: walang insurance, hindi na-inspect ang unit na iyan, at hindi nakasisiguro na safe ang sakay nila. Iyan ang mga disadvantage po,” dagdag ni Inton.

Paalala pa ni Inton sa publiko: maging mapagmatyag sa mga terminal at huwag basta sumakay sa mga nag-aalok ng ilegal na biyahe. Kadalasan, ang mga ito’y patago, walang marka, at hindi rehistrado. Bukod sa mataas ang pamasahe, walang insurance ang mga sasakyan at hindi dumaan sa tamang inspeksiyon—bagay na seryosong banta sa kaligtasan ng mga pasahero.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble