BINIGYANG-linaw ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pagpatutupad sa ‘window hour scheme’ ng mga provincial bus operator.
Naglabas ng pahayag ang LTFRB sa tamang pagsunod sa “window hour scheme” ng mga provincial bus operator kasunod sa natanggap na ulat na libu-libong pasahero ang stranded sa isang terminal sa Pampanga.
Base sa window scheme agreement ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), maaaring mag-operate ang mga bus operator simula alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng umaga.
Sa gitna nito, binigyang diin ng ahensya na ang window hours scheme ng MMDA ay hindi nangangahulugan na ang mga provincial buses ay mag-ooperate lang kada gabi.
Sa naging kasunduan ng MMDA sa mga provincial bus operator, maaaring gamitin ang kanilang pribadong terminal mula 10:00 PM hanggang 5:00 AM.
Sa oras na lumagpas sa nasabing window hours ay kinakailangang magtungo ang mga ito sa mga Integrated Terminal Exchange para maghatid ng pasahero.
Halimbawa na rito ang Parañaque Integrated Terminal Exchange, North Luzon Express Terminals at Santa Rosa Laguna Integrated Bus Terminal.
Dagdag pa ng LTFRB na ang mga permit to operate ay ibinigay sa mga provincial bus operator para maghatid ng mga pasahero sa anumang oras kapag may pangangailangan at hindi lamang sa loob ng window hours.
Ang pahayag na ito ng ahensya ay base sa naging sitwasyon sa Pampanga kung saan libu-libong pasahero ang stranded sa Dau Terminal at naghihintay ng mga provincial bus na maghahatid sa kanila sa Metro Manila.
Dahil rito, maraming manggagawa ang naapektuhan sa kanilang trabaho at mga pasaherong may transaksyon sa negosyo dahil ito sa kawalan ng pampublikong transportasyon sa kabila ng pagkakaroon ng mga bus operators na nabigyan ng special permit.
Sa kabila nito, inaasahan ng LTFRB na ang mga provincial bus operator ay sumunod sa kanilang kasunduan sa pagitan ng MMDA at maging responsable sa kanilang tungkulin bilang isang common carrier.
Sinabi pa ng LTFRB na maaring managot ang mga tahasan at lantarang hindi sumusunod sa tungkulin lalo na sa special permit at Certificate of Public Convenience (CPC) para mag-operate.