LTFRB, pinaghahandaan ang pagpapatupad ng diskuwento sa pasahe

LTFRB, pinaghahandaan ang pagpapatupad ng diskuwento sa pasahe

PINAGHAHANDAAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang itinutulak ng Department of Transportation (DOTr) na pagpapatupad ng diskuwento sa pasahe ng mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, mayroon nang pondong nakalaan para sa Service Contracting Program (SCP) at hinihintay na lamang ng ahensiya na maibigay ito ng DOTr.

 “We are just waiting for the downloading of the money to the LTFRB. Pagkatapos niyan, tuluy-tuloy na ‘yung Service Contracting Program,” ayon kay Asec. Teofilo Guadiz III, chief, LTFRB.

Dagdag pa ng LTFRB chief na ang pagbibigay ng diskuwento sa pasahe ay ipatutupad sa tulong at gabay ng DOTr.

Sinabi pa ni Guadiz, tanging diskuwento na muna ang maibibigay upang mapagkasya ang pondong P1.3 bilyon na inilaan ng gobyerno.

“We also have to take the cue from the Office of the Secretary, how they intend to do it. I think ang gagawin lang nila is discount lang ang ibibigay sa mga tao para ‘yung pera na P1.2 billion mapagkasya sa maraming mga transport services on a nationwide scale” dagdag ni Asec Guadiz.

Sa ilalim ng panukala, mula sa P12.00 ay gagawin na muling P9.00 ang minimum na pasahe sa mga tradisyunal na jeep o katulad ng singil noong wala pang pandemya sa bansa.

Umaasa ang LTFRB na madaragdagan pa ang pondong nakalaan para sa programa upang mapalawak at maraming Pilipino ang makinabang dito.

Aabutin lang kasi ng hanggang 6 na buwan ang inilaang pondo ng pamahalaan.

 “I believe the budget may last only for about 6 months, half a year. So as early as now, I am requesting the DOTr to come up with additional funding para mapagkasya po namin hanggang sa katapusan ng taon ‘yung pera,” ani Guadiz.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter