PANSAMANTALANG itinigil ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga public utility vehicle (PUVs) driver.
Sa eksklusibong panayam kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na temporary munang sinuspinde ang pamamahagi ng fuel subsidy program.
“In terms of disbursement o iyong pamimigay natin ng fuel subsidy, temporarily suspended po natin iyong disbursement last March 25 dahil inaantay natin yung resolution ng COMELEC with regards sa ating application exemption sa COMELEC ban ng disbursement,” pahayag ni Cassion.
Sa katunayan, iprinisenta na sa hearing ng LTFRB ang dahilan kung bakit kinakailangan ipagpatuloy ng ahensya ang pamamahagi ng ayuda sa mga pampublikong tsuper.
“Dahil po kailangan na kailangan na po talaga ng mga operator natin at mga driver itong ayuda na makatutulong sana amidst the high price sa fuel po,” ani Cassion.
“Inassure din natin yung COMELEC na kapag pinayagan po tayong mag-distribute ay hindi po ito gagamitin for political means. So, sa ngayon po ay tayo ay nag-aantay sa desisyon ng COMELEC,” dagdag nito.
Sinabi naman ni Commissioner George Erwin Garcia ng COMELEC na patuloy na nilang pinag-aaralan ang petisyon ng LTFRB hinggil sa disbursement ng fuel subsidy sa mga PUV driver.
“At ito ay kasalukuyan nang nag-uundergo nung study and therefore sa Miyerkules po ay may masusubmit na recommendation sa En banc at iexpect niyo po na hanggang Thursday ay mai-aannounce na po natin ang aksyon ng COMELEC patungkol sa request ng LTFRB,” pahayag ni Garcia.
Pagbibigay diin ni Comm. Garcia, hindi dapat ito ikabahala ng mga driver ng mga pampublikong sasakyan dahil kumikilos na umano ang COMELEC upang mapabilis ang hiling ng LTFRB.
“Huwag po kayong mag-alala sa mga kababayan natin at yung umaasa sa fuel subsidy na kaagad po naming aaksyunan at hindi po namin idedelay yan pero at the same time ay titingnan natin yan kung tama ba yung naging petition at procedure na gagawin ng LTFRB sa pamamahagi ng fuel subsidy at kung papaano ang implementasyon ng proyektong ito,” ani Garcia.
Dagdag naman ni LTFRB Dir. Cassion, nasa higit 110,000 na mga PUV driver ang accredited at nakatanggap na ng subsidiya mula sa gobyerno.
At nasa 22,000 pa ng mga taxi at UV express beneficiary ang patuloy pang dumadaan sa validation ng ahensya.
Habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nakatakdang magbigay ng subsidy sa humigit-kumulang 27,000 delivery services sa pamamagitan ng PayMaya.
Para naman sa mga tricycle driver, sinabi ng LTFRB na hinihintay pa nila ang listahan ng mga benepisyaryo mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa kabila nito, nanawagan naman ang LTFRB sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan.
“Humihingi po ng paumanhin ang buong pamunuan ng LTFRB dahil na delay po ang ating distribution. But, rest assured na ginagawa ng LTFRB ang lahat kasama na ang pag-follow-up sa COMELEC at pagpre-prepare ng inyong mga card at pagpre-prepare ng mga payrolls para kapag sakaling makuha na natin yung exemption ay agad maipasok agad sa inyong mga accounts, kanya-kanyang accounts iyong ayuda na inaantay po natin,” ani Cassion.