NAG-isyu ng show cause order vs may-ari ng sasakyan na nanutok ng baril sa isang siklista ang Land Transportation Office (LTO).
Pinaiimbestigahan ng LTO ang isang viral video na kinasasangkutan ng motoristang nanakit at nagkasa pa ng baril sa isang siklista.
Ayon kay LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza III ang nasabing insidente ay nangyari malapit sa Welcome Rotonda na boundary ng Maynila at Quezon City.
Dahil dito, nag-isyu ng Show Cause Order (SCO) ang LTO-National Capital Region laban sa may-ari ng kulay pulang Sedan na sangkot sa naturang insidente.
Natanggap ng LTO ang impormasyong ito matapos mag-viral sa social media ang panunutok ng baril ng may-ari ng sasakyan matapos lumabas sa kotse.
Batay sa impormasyon ng LTO, matapos ang paglabas ng may-ari ng sasakyan ay hinampas nito ang siklista.
Sabay bunot ng kaniyang baril sa harap nito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang LTO sa Philippine National Police hinggil sa insidente.
Hinimok naman ni Mendoza ang mga netizen na i-tag ang kanilang LTO official Facebook page ng mga larawan, video at iba pang impormasyon patungkol sa mga paglabag ng mga motorista.
Katulad na lamang ng paglabag sa batas trapiko, mga alituntunin sa ligtas na paggamit ng lansangan at lalo na ang pang-aabuso.