HINIMOK ng Land Transportation Office (LTO) ang mga opisyal ng gobyerno at mga empleyado na kusang tanggalin ang mga sirena at blinkers sa kanilang mga sasakyan.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay sa anti-wang-wang policy.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, ito ay dahil paiigtingin na nila ang kanilang operasyon dito.
Sa ngayon aniya ay inatasan na ang lahat ng regional directors ng LTO na makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa kanilang nasasakupan para sa mandatory na pagtanggal sa mga sirena at blinkers.
Sa ilalim ng Administrative Order 18, ang lahat ng opisyal ng gobyerno at mga tauhan ay bawal gumamit ng sirena, blinkers at iba pang kaparehong gamit na naglalabas ng malakas na tunog, mga dome lights, at iba pang signaling or flashing devices.
Ang tanging mga sasakyan na awtorisadong gumamit ng sirena at blinkers para sa kanilang official use ay ang AFP, NBI, at PNP, mga fire truck, ambulansiya at iba pang emergency vehicles.