LTO: sisimulan nang manghuli ng expired registered vehicles sa Agosto

LTO: sisimulan nang manghuli ng expired registered vehicles sa Agosto

SIMULA Agosto, mas mahigpit na ang Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng sasakyang may expired registration o hindi pumasa sa roadworthiness check.

Ayon sa ahensya, automatiko na raw’ng i-i-impound ang mga ito bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas na kalsada. Kaya paalala ng LTO, ayusin na ang papeles bago mahuli.

Ipinahayag ito ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza kasabay ng paglalabas ng memo noong Hunyo, na bahagi ng kanilang Road Safety Action Plan. Layunin ng kampanyang ito na bawasan ang mga aksidente sa lansangan at tanggalin sa kalsada ang mga delikadong sasakyan.

“We are already finalizing our campaign plan… This should serve as a notice to motor vehicles to comply… otherwise it would need to go to a more stringent process before renewal,” ayon kay Atty. Vigor Mendoza II, Chief & Assistant Secretary, Land Transportation Office.

Hindi lang ang mga expired ang rehistro ang huhulihin, kundi pati na rin ang may sirang salamin, kalbong gulong, at mga sasakyang sobrang mausok.

At kapag na-impound ang sasakyan, hindi ito basta-bastang makukuha. Kailangan munang bayaran ang ₱10,000 multa, dumaan sa inspeksyon, at magpakita ng kumpletong dokumento bago ito muling mailabas.

Noong Marso lang, mahigit 18,000 sasakyan na ang nahuling paso na ang rehistro—kaya asahan na mas masinsin pa ang panghuhuli pagdating ng Agosto.

Mensahe naman ng kampanya ng LTO, hindi na sapat ang palusot at pakiusap—panahon na para ayusin ang papeles, bago pa maharap sa multa, abala, at impoundment.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble