TIKLOP ang Land Transportation Office (LTO) sa nauna nitong banta na huhulihin at pagmumultahin ang mga may-ari ng mga motorsiklo at sasakyang gumagamit ng temporary o improvised license plates mula ngayong buwan.
Ito’y matapos ulanin ang ahensiya ng batikos mula sa publiko – sa pangunguna ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino. Sa isang pahayag, sinabi ng LTO na iuurong na nito ang nauna nitong itinakdang deadline mula Setyembre 1 tungo sa Disyembre 31.
“Tama lang na iatras ng LTO ang banta nito na manghuli ng mga ordinaryong rider at motorista dahil sablay ang lohika ng kanilang direktiba,” mariing pahayag ng senador.
“Hindi dapat isisi sa motoring public kung kulang ang suplay o atrasado ang pag-iisyu ng official license plates ng gobyerno, dahil ito’y pangunahing responsibilidad mismo ng LTO,” kaniya pang paliwanag.
Magugunita na unang nanawagan si Tolentino sa LTO Region 7 (Central Visayas) para bawiin ang balak nitong hulihin at pagmultahin ang mga gumagamit ng temporary at improvised license plates mula ngayong buwan.
Pero lumalabas na nakabase pala ang atas ng LTO Region 7 sa isang pambansang memorandum na inisyu ng LTO head office. Ayon sa VDM-2024-2721,
“All motor vehicles and motorcycles using non-LTO issued plate number, except as authorized and specified by this Memorandum, shall be apprehended and the appropriate legal actions and penalties in accordance with existing laws and regulations shall be imposed.”
Ani Tolentino, ang pangunahing hamon sa LTO ngayon ay ang pag-resolba sa license plates backlog nito, na ayon sa mga ulat ay umaabot sa 9 milyon sa pinakahuling tantos.
Nanawagan din ito sa ahensiya na gamitin ang itinakdang extension period hanggang Disyembre 31, para ipaliwanag ang kanilang programa sa motoring public, gayundin ang paggabay sa motor vehicle at motorcycle owners para makuha na ang kanilang unclaimed license plates.
Si Tolentino na dating Chair ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang principal sponsor ng Senate Bill No. 2555, na naglalayong amyendahan ang mga kontrobersiyal na probisyon ng ‘Doble Plaka’ Law (RA 11235) na nag didiskrimina laban sa motorcycle owners at riders.
Noong Hulyo 29 ay ipinasa ng Senado ang SBN 2555 sa botong 22-0. Samantala, lusot na ang counterpart measure nito sa committee level ng Kamara, at nakatakda na ring ihain sa plenaryo ng Malaking Kapulungan.