LWUA, nagbigay ng direktiba sa lahat ng water districts para paghandaan ang epekto ng El Niño

LWUA, nagbigay ng direktiba sa lahat ng water districts para paghandaan ang epekto ng El Niño

PINAGHAHANDA na ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ang lahat ng water districts sa labas ng Metro Manila para sa magiging epekto ng pagtama ng El Niño sa bansa.

Sa ‘Bagong Pilipinas Ngayon’ nitong Martes, sinabi ni LWUA administrator Atty. Vicente Homer Revil na nagbigay na ang ahensiya ng direktiba sa lahat ng water districts na saklaw nito na magsagawa ng water supply inventory.

Ito’y upang malaman kung may sapat na suplay ng tubig sa mga residente na kanilang sakop.

Ipinag-utos din ni Revil na tugunan ang problemang dulot ng pagsasayang ng tubig.

Iniatas din ng LWUA na magsagawa ng conservation measures at information drive.

Sa katunayan, ani Revil, nagkaroon sila ng pulong nitong umaga ng Martes kasama ang ilang stakeholders at water districts kung saan tinalakay ang mga maaaring kahaharaping hamon sa water supply sa mga susunod na buwan.

Kung kinakailangan, ani Revil ay gagawa rin ng hakbang ang LWUA para sa pagbibigay ng rasyon.

Ang mga nabanggit ay bilang paghahanda lamang para sa aniya’y ‘worst scenario’ na mangyayari sa gitna ng El Niño phenomenon.

Sa kabila nito, tiniyak ng LWUA chief na kasalukuyang may sapat na suplay ng tubig ang bansa.

Ang LWUA ang ahensiyang nagbibigay ng direktiba sa mga water district sa buong Pilipinas sa labas ng National Capital Region (NCR).

Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) naman ang nagbibigay ng direktiba sa water districts sa loob ng NCR.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble