IPINAG-UTOS ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng unit at area commanders ang maagang paghahanda para umpisahan ang mapayapa at maayos na halalan sa Mayo 2022.
Paliwanag ni Eleazar, makatutulong ang maagang security preparation sa pag-iwas sa karahasan sa halalan at iba pang mga aktibidad na makakasama sa integridad ng halalan.
Kasama aniya sa maagang paghahanda na dapat tutukan ng pulisya ay ang monitoring at accounting, hindi lamang ng mga private armed groups kung hindi pati na rin ang mga loose firearms na maaring gamitin sa pananakot at pagsabotahe upang impluwensyahan ang resulta ng halalan.
Dahil dito, inaasahang babantayan at magsasagawa ng review sa presensya ng firearms na may expired license at iba pang loose firearms sa kani-kanilang areas of responsibility ang PNP Intelligence Community at area commanders.
Sinabi rin ni Eleazar na magsisimula na silang makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines para sa seguridad sa eleksyon sa mga lugar na may mataas na presensya ng mga armadong grupo, lalo na ang CPP-NPA-NDF.