LUMITAW sa pagdinig sa Kamara na mababa pa rin ang vaccine confidence ng karamihan ng mga Pilipino sa bansa.
Inireklamo ito ng ilang mambabatas sa mga opisyal ng Department of Health (DOH).
“Only 10% said that they will definitely want to be vaccinated. 7% said they will probably want to be vaccinated. So the rest which is 83% of the respondents said they didn’t want to be vaccinated. So malaking problema po yung vaccine confidence sa aming lugar,” ayon kay Rep. Stella Quimbo, 2nd District Marikina.
“Ang Quezon po ay 60% po ay ayaw magpabakuna doon po sa ating respondents,” ayon naman kay Rep. Helen Tan, 4th District Quezon City.
Ayon kina Tan at Quimbo, parehong ginawa ang local survey nitong nakaraang buwan.
DOH at DILG, hinimok na magsagawa ng regular online at televised webinars
Bilang solusyon, nanawagan si Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa DOH at Department of Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng regular online webinars kaugnay sa vaccination.
Hindi lamang basta webinar dahil giit ni Barzaga, dapat naka-ere rin sa government television channels at radio stations ang mga ito.
Ang DOH naman, nakatutok sa pagsasagawa ng town hall meetings para mapataas ang vaccine confidence.
“We have so called town hall meetings virtual. We started first our health promotion information officer sa different level and hoping that they are going to cascade,” ayon kay DOH Usec. Myrna Cabotaje.
Sinabi rin ni Cabotaje na may ugnayan ang DOH sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) para sa information campaign.
Pero ang mga kongresista, nakukulangan pa rin sa diskarte ng DOH.
Sa ngayon ay mahigit sa 1.3 million na mga Pilipino ang nakatanggap ng bakuna sa bansa.
(BASAHIN: Nabakunahan kontra COVID-19 sa Pilipinas, pumalo na sa higit isang milyon)
At para makamit ang herd immunity, kailangang mabakunahan ang 70 milyong Pilipino.
Para makamit ang herd immunity bago matapos ang 2021, mahigit sa 250,000 Pilipino ang dapat bakunahan araw-araw.