Mabagal na issuance ng environmental clearance, pinatutugunan ng FPI sa DENR-EMB

Mabagal na issuance ng environmental clearance, pinatutugunan ng FPI sa DENR-EMB

NAKIPAG-ugnayan ang samahan ng mga asosasyon ng industriya na Federation of Philippines Industries (FPI), araw ng Martes, sa opisina ni Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Director Asec. Gilbert Gonzales sa Quezon City.

Ito ay upang isangguni sa opisyal ang hinaing ng ilang miyembro ng FPI hinggil sa umano’y mabagal na issuance ng environmental compliance certificate (ECC).

Sinabi ni FPI chairman Dr. Jesus ‘Mang Jess’ Arranza, malaking epekto sa sektor ng negosyo ang mabagal na issuance ng ECC.

Ayon naman kay Dr. Edgardo Alabastro, chairman ng environmental committee ng pederasyon, may malaking epekto sa mga nagnanais na mamuhunan sa bansa ang mabagal na issuance ng mga kinakailangang dokumento mula sa pamahalaan.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay DENR Asec. Gonzales, sinabi nito na naibahagi niya sa pagpupulong nila kasama ang FPI na marami nang pagbabago sa pagproproseso ng mga kinakailangang permits mula sa kanila.

Pagbibigay-diin pa ni Asec. Gonzales, kayang mai-release nang hanggang isang buwan ang ECC kung compliant ang mga nag-aaplay sa kanila sa ilalim na rin ito ng RA 11032 o Ease of Doing Business Act.

Ang RA 11032 ay naisabatas sa panahon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2018 sa layon ng pangulo na pabilisin ang pagproseso ng kinakailangang mga dokumento mula sa gobyerno.

Dagdag pa ng environment official, suportado nila ang target ng pamahalaan na lumago ang ekonomiya sa tulong ng mga mamumuhunan sa bansa.

Pero kailangan din nila aniyang matiyak na mapapangalagaan ang kalikasan kasabay ng adhikain na mapabuti ang kalakalan sa bansa.

Sa huli ay sinabi ni Asec. Gonzales na napagkasunduan ng 2 panig na magkaroon ng collaboration para matugunan ang mga hinaing ng mga industriya.

Kasama rito ang kahandaan ng DENR-EMB na magbigay ng assistance para magabayan ang mga industriya at maging compliant sila sa mga kinakailangan nilang dokumento mula sa pamahalaan.

Ang FPI ay may 120 corporate manufacturer members at 36 na mga industry association na may humigit-kumulang 600 mga sariling miyembro.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter