NAGBABALA si Senator Imee Marcos na maaaring pagbayarin ng hanggang P1-M ang sinumang hindi susunod sa tamang pagtatapon ng mga COVID-19 medical waste.
Umapela si Senator Imee sa mga ospital at mga health facilities na sumunod sa wastong pagtapon ng mga medical waste na ginagamit sa mga COVID- 19 patient.
Ito ay matapos magpositibo sa COVID-19 ang walong batang naglaro sa tabing dagat ng Brgy Concepcion Virac, Catanduanes, kung saan iligal umanong naitapon doon ang mga nagamit nang hiringilya, face masks, antigen test kits, lagayan ng dugo at ihi, at mga PPE.
Sa report ng Municipal Environment and Natural Resources, nakitaan ng maraming paglabag sa batas ang isang diagnostic center na siyang iligal na nagtapon ng naturang hazardous wastes.
Kasunod nito ay ang babala ni Senator Imee Marcos sa mga parusang maaaring ipataw sa kanila.
Aniya batay sa Republic Act Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, inaatasan ang mga Barangay at LGUs sa wastong pagkolekta, recycling at pagtatapon ng mga basura, lalo na ang mga nakalalason at hazardous medical wastes.
At ang mga lalabag dito ay maari aniyang makulong ng hindi bababa sa isang taon at pagbayarin ng hindi bababa sa P100,000 hanggang P1 milyon.
“Any person who violates Sec. 48, pars. (14), (15) and (16) shall, upon conviction, be punished with a fine not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than One million pesos (P1,000,000.00), or imprisonment not less than one (1) year but not more than six (6) years, or both,” pahayag ng senadora.
Babala naman ni Marcos sa publiko, lalo na sa mga bata na wag pulutin o paglaruan ang mga medical waste upang hindi malagay sa panganib ang kanilang kalusugan.
Mas makabubuti rin aniya na isumbong sa mga otoridad ang mga tao o pasilidad na illegal na nagtatapon ng kanilang mga basura.
Ayon kay Imee, isang libong toneladang medical wastes ang nahahakot ng DENR kada araw mula sa iba’t ibang laboratoryo o diagnostic centers at hospitals.
Batay sa report ng World Health Organization (WHO), sinasabing nasa 87,000 toneladang personal pretective equipment o PPE ang nalikha at naibenta sa buong mundo mula Marso 2020 hanggang Nobyembre 2021.
Nasa 140 milyong test kits rin na naipakalat na sa buong mundo na maaaring makapag generate ng 2,600 tonelada ng non infectious waste.
Umaabot na rin sa 8 bilyong dosis ng bakuna ang nagamit sa buong mindo na maaaring makalikha ng nasa 144 libong toneladang dagdag na basura mula sa mga hiringgilya at safety boxes.